SA kabila ng pagsasara mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte ng mga pintuan at bintana para sa usapang pangkapayapaan sa mga rebeldeng komunista, naririyan pa rin ang pag-asa na muling magbago ang kalagayan.
‘Yun bang === siya rin mismo ang magbubukas ng mga isinarang pintuan at bintana para maipagpatuloy ng taumbayan ang paghahanap ng kapayapaan, pagkakasundo-sunod at pagkakaisa.
Ang kailangan lang din ay kung paano tumugon nang tama ang mga rebeldeng komunista sa inaasam-asam ng taumbayan na kapayapaan.
Kuwestiyunable nga naman na mismong ang mga rebeldeng komunista ang bumali sa sarili nilang sariling tigil-putukan na magtatapos pa lang sa darating na Pebrero 10 nang bumihag at pumatay sila ng mga sundalo sa Mindanao.
ILANG PALATANDAAN
Isa sa mga palatandaan ng pagkakaroon pa rin ng kapayapaan ang mismong panawagan ng Pangulo sa mga rebelde at mamamayang komunidad ng mga ito na bumaba sa bundok at mamuhay nang normal.
Kasabay nito ang pangakong paiiralin nito ang repormang agraryo na matagal nang ipinaglalaban ng mga rebelde at bigyan ng tahanan ang mga wala nito.
Sa gitna rin ng pagpapaaresto sa lahat ng National Democratic Front consultant na kanyang pinalaya para makasali sa peace talks, naririyan din ang hindi nito pagpupursige na pigilan ang mga ito na kumuha ng asylum sa ibang bansa na tatanggap sa kanila.
Wala ring palatandaan na nanganganib ang buhay ng mga consultant na maaaresto kundi hahayaan silang humarap sa mga kasong nakabinbin laban sa kanila sa mga hukuman.
At heto nga, may isang peace consultant at isang kasama nito ang naaresto ng militar sa Davao City subalit inilipat agad ito sa pangangalaga ng Philippine National Police na palatandaan ng paggana ng sibilyang pagtrato sa kanilang mga kalaban.
BOMBA IBUBUHOS KUNG…
Inutusan na ng Pangulo ang militar na lumaban muli sa mga rebelde.
Ngunit kinakitaan ito ng pagpigil sa sarili at pagpigil din sa militar para sa todo-bangis na giyera sa pagsasabing ibubuhos nito ang lahat ng bomba ng military sa mga rebelde kung todo-bangis din ang pakikipaggiyera ng huli.
Sinasabi pa nga ng mga matataas na opisyal ng militar na didisiplinahin nila ang mga sarili nilang tauhan na magsasagawa ng mga pang-aabuso sa kanilang mga kalaban at walang pakundangan kung mamerwisyo.
NAKIKINIG
Ang isang napakahalagang nagaganap sa administrasyong Duterte ay ang pakikinig nito sa iba niyang mga kasamahan o opisyal sa gobyerno at mamamayan.
Madalas niyang sabihin na hindi siya nag-iisa sa paggawa ng desisyon at ilang beses na nga siyang gumawa ng desisyon na sinasabi niyang umaayon sa mga pahayag ng kanyang gabinete kahit na labag sa sarili niyang paniniwala?
Isa sa mga sampol dito ang pagpirma niya para sa kasunduan sa climate change makaraang sabihin niyang pinagkaisahan siya ng kanyang gabinete.
KUMAKAMBIYO
Mahalaga ring palatandaan ng pagbabago ng Pangulo para sa naunsiyaming usapang pangkapayapaan ang pagbabago nito sa giyera sa droga.
Agad niyang ipinatigil ang giyera sa droga, lalo na sa parte ng pulisya, nang lumitaw na may iba nang hangarin ang maraming pulis gaya ng paggamit mismo sa Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel para pagkakitaan gaya ng kaso ni Korean national Jee Ick Joo.
Ang Pangulo pa nga ngayon ang panay ng hingi ng kapatawaran o dispensa sa Korean community sa Pinas at sa South Korea mismo ukol sa pangyayari.
Kung ano ang makabubuti para sa Pilipinas at para sa sambayanan, ito ang laging nagiging gabay ng Pangulo sa paggawa ng desisyon.
SANG-AYON SA KAPAYAPAAN
Sa kabila ng matitigas na salita sa pagitan ng Pangulo at mga lider ng mga komunistang rebelde sa magkasalungat na posisyon na pupwedeng magsabay ang giyera at pag-uusap, naririyan pa rin ang pagnanais ng mga rebelde na matuloy ang peace talks.
Pero ang isang mahalagang sangkap dito ay ang pagnanais din ng mga kasamahan mismo ng Pangulo na matuloy ang usapan.
Mismong si Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza ang nagsasabing “Peace is everybody’s business.”
Nasa loob mismo ng Malakanyang si Dureza at masasabi nating malalim ang pakiramdam nito ukol sa mga kaisipan ng Pangulo sa usapin.
Dahil sa lahat ng ito, hindi imposibleng mismong si Pang. Duterte mismo ang magbubukas pa rin ng pintuan at bintana anomang araw.
Ang Pangulo na rin ang nagsasabi na kung walang kapayapaan, hindi uunlad ang bansa gaya ng karanasan mismo ng kanyang Lungsod ng Davao.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09228403333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA