BAGO pa nagkaroon ng press conference ang National Statistical Coordination Board at National Economic Development Authority ukol sa gutom at kahirapan sa mahal kong Pinas, alam na natin ang kanilang sasabihin.
‘Yun bang===nananatiling hirap at gutom ang maraming Filipino at hindi nagbago ang kanilang kalagayan sa kabila ng pag-iral ng matuwid na daan.
MAHIGIT 20M
Sa pagtantiya natin sa mga inilalabas ng NSCB at NEDA, mahigit sa 20 milyon mula sa kabuuang 95 milyong Pinoy ang naghihirap at nagugutom.
Ang ibig sabihin nito, mga Bro, kulang ang kanilang kita para matugunan ang kanilang mga pangangailangan para sa normal na pamumuhay.
Heto ang sukatan ng gobyerno para masabing naghihirap at nakararanas ng gutom ang mga Pinoy.
Para sa taong 2012, dapat kumita umano sa loob ng isang buwan ang isang pamilya ng P7,821, mas mataas sa P7,040 noong 2009 at P5,586 noong 2006.
At ang pamilya ay binubuo ng nasa lima katao.
Kung bababa na rito ang iyong kita, minamalas ka na.
Hindi ka na lang naghihirap kundi nagugutom na rin.
PINAKAMALAKI ANG PAGKAIN
Pinakamalaking pinagkakagastusan ng mga Pinoy ang pagkain, lalo na sa hanay ng mga mahihirap.
Ngayong 2012, nasa P5,458 ang gastos, P4,903 noong 2009 at P3,894 noong 2006.
Kung totoo ito, paano ang mga ilaw at tubig, ang gamot, ang pag-aaral, ang damit, ang upa sa bahay at iba pa?
Hirap at gutom nga ang iyong aabutin, mga Bro, kapag ganito ang kita mo at ikaw lang ang kumikita para sa pamilyang lima ang miyembro.
2 TAONG WAEPEK
Sa ibang salita, mga Bro, kahit masipag si Madam Dinky ng Department of Social Welfare and Development sa pagsagip sa gutom at mahihirap, bigo pa rin ang gobyerno na paunlarin ang buhay ng milyon-milyong mahihirap.
Dalawang taon na ngang nagbubuhos ng salapi at nag-te-training ang DSWD ng mga mahihirap na pamilya para matulungan nila ang kanilang mga sarili na umahon.
Pero hirap pa rin makamit ng mga ito ang pagbabago.
Kasama sa mga bigo sa pagpapaunlad sa masang Pinoy ang iba pang ahensya ng pamahalaan.
ANO ANG NANGYARI?
Hindi lang ang DSWD ang kumikilos laban sa kahirapan, mga Bro.
Sinasabi halimbawa ng Department of Public Works and Highways na napakarami ang kanilang mga proyekto na pinagkakakitaan ng mga mahihirap.
Nagbubunyi rin ang mga taga-Malakanyang sa mataas umano na grado ng Pinas sa mata ng mga investor na dayuhan.
At napipilay at nabubulag na ang korapsyon na sanhi umano ng paghihirap at gutom.
Pero bakit nananatiling mahirap ang mga mahihirap at gutom ang mga nagugutom?
May problema na malaki rito, mga Bro.
GIVE US A CHANCE
Sabi ng mga nagsalita sa NSCB at NEDA press confe-rence, “Give us three more years. Pinatutungkulan nila ang nalalabing tatlong taon na pag-upo ni Pangulong Noynoy.
Bigyan daw sila ng tatlong taon pa para patunayang may magagawa ang kanilang tuwid na daan na iangat ang buhay-buhay ng mga pobre.
Sige, pagbigyan natin sila.
Kasi kapag sila ang nagsalita, ang mga nakaraang administrasyon ay pinararatangan nilang wala nang nagawa kundi magpayaman sa puwesto kaya naman nananatiling mahirap at nagugutom ang mga mahihirap at nagugutom noon.
Eh, paano kung mananatiling walang pagbabago ang kalagayan ng milyon-milyong mamamayan?
Ano-ano ang mga dapat na gawin, mga Bro?
ILANG MUNGKAHI
May pag-asa naman para sa pagbabago, mga Bro, kung gugustuhin lang ng mga nasa pamahalaan.
Isa na rito ang pagkakaisa ng lahat ng ahensya na hanapan ng solusyon ang problema.
Hindi lamang dapat ang DSWD at DPWH ang kikilos.
Dapat lahat ng departamento ng Palasyo, kasama ang mga lokal na pamahalaan.
Paano kung kanya-kanya ang lahat ng ito at puro consuelo de bobo lang ang gagawin ng mga ito at sa tuwing halalan lamang maganda ang ipinakikita ng mga ito, lalo na ang mga humihingi pa ng panibagong mandato?
LUMILIKO ANG TUWID NA DAAN
Ito ang isang tatandaan natin, mga Bro. Halos lahat ng mga nagdaang administrasyon ay lumiliko sa pagtatapos ng kanilang mga termino.
‘Yun bang === natataranta ang mga nakaupo sa pagtatapos ng kanilang kapangyarihan. At kakambal ng kanilang pagkataranta ang pag-iisip na mapuputol na rin ang kanilang mga gatasan sa pamahalaan.
Kaya ang mga pangako ng tuwid na daan o landas na kanilang binibitiwan sa mga unang taon ng kanilang pag-upo ay nauuwi sa katakot-takot na kurakutan.
Hindi kaya mangyari ito sa kasalukuyang administrasyon?
Bilib ako mismo kay PNoy. Pero paano ang iba?
‘Yang mga mambabatas nga lang sa Kongreso ay ayaw paawat sa pagpanday ng mga batas para sa kanilang mga pork barrel.
Hindi ba ganito rin ang nagaganap sa iba pang ahensya.
DIYOS ‘DI NAKIKILALA
Baka naman makatulong ito sa mga kinauukulan upang seryosohin nila ang problema sa mahihirap at nagugutom: “hindi nakakikilala ng Diyos ang taong labis na naghihirap at nagugutom
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.