SA nakakalap nating balita, may nagsasabing hindi bibigyan ng prayoridad ng Senado ang panukalang parusang bitay.
Kahit pa tapos na ang pagpapasa nito sa Kamara bagama’t mga kasong droga lang ang pinayagan ng mga kongresman na mapatawan ng death penalty.
Rason ng mga senador, pumirma ang Pilipinas sa mga pandaigdigang kasunduan sa karapatang pantao, kalakip na ang pagbabawal ng parusang bitay.
Kaya nga, hindi umano kasali ang parusang bitay sa mga pag-uusapan ng mga senador sa susunod na sesyon ng Kongreso na magsimula sa unang linggo ng Mayo 2017.
5-ANYOS RINEYP, PIMATAY
Sunod-sunod ang mga kasong panggagahasa at pagpatay sa mga 5-anyos na bata at marami pang iba.
Noong buwan ng Oktubre 2013, natagpuan ang bangkay ni Wishe Bodongan na nagahasa sa Tabina, Zamboanga del Sur.
Natagpuan ding patay at nagahasa ang isang Arlyn Joy Balolong sa Pandacan, Maynila noong Enero 2014.
Marso 2017 nang matagpuan din ang bangkay nang ginahasang si Mutya Arencio sa Polomolok, South Cotabato.
Ang punto natin dito, mga Bro, ay hindi magkasya ang espasyong ito kung isa-isahin natin ang lahat ng kasong rape na nagaganap sa buong bansa na hindi lamang ang mga 5-anyos ang biktima.
REAKSYON NI DIGONG
Nang matapos maipasa ng Kamara ang bersyon nito sa parusang bitay, hinanap ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ukol sa rape.
Sabi niya, magtatanong siya kung bakit hindi naisama rape sa dapat na mapatawan ng parusang bitay.
Para kay Pang. Digong, dangal ng kababaihan ang sinisira ng krimeng rape at kung papatayin pa ang mga biktima, lalong higit na paglapastangan ang krimen sa kanila.
Hindi katanggap-tanggap, hindi lang kay Pang. Digong kundi mismo sa mamamayan.
Kaya naman, mga Bro, ang parusang bitay ay nararapat lamang.
Kahit pakinggan pa natin ang paghihinagpis ng mga biktima o ang kanilang mga pamilya.
PANUKALA NI PACQUIAO
Sakaling magbago ang isipan ng nakararaming senador at muli nilang isalang sa sesyon ang panukalang parusang bitay, magandang balita kung isasama ng mga ito ang posisyon ni Sen. Manny Pacquiao.
Kasama sa gusto niyang maparusahan ng death penalty ang aggravated rape.
Ang rape na may pagpatay sa biktima o iba pang tao, may pag-troture, may pambabastos gaya ng paggawa sa ari ng biktima bilang ash tray, gang rape o paggamit ng droga sa biktima ay kabilang sa mga anyo ng aggravated rape.
PANDARAMBONG
Muli, nais nating isalang din sa death penalty ang mga mandarambong.
Pandarambong ang pagnanakaw sa kaban ng bayan ng P50-milyon pataas habang korapsyon ang para sa mas mababang halaga.
Mayroon lang tayong panukala naman dito. Pwede bang ibaba ang halaga ng nakaw na yaman o dugas sa mamamayan mula sa halagang P50M?
Dito kasi sa P50M pataas, binibigyan natin ang mga magnanakaw ng pagkakataon na mandambong.
At kung nademanda ang mga ito, binibigyan natin sila ng kakayahan na baluktutin ang batas sa pagkakaroon ng mga da kampanang abogado para lang sila iligtas sa pananagutan.
Isa pa, hindi kaila sa lahat na mula sa P50M pataas, magkakaroon ng kakayahan ang mga mandarambong para perahin ang katarungan sa pamamagitan ng pagsuhol sa mga pulis, piskal at huwes para sila mapawalang-sala.
KILALANIN SILA
Ngayon pa lang ay dapat nang malaman ng mga mamamayan ang ngalan ng lahat ng ayaw sa parusang bitay.
Sa Kamara, malinaw na inaprubahan ng mga kongresman ang death penalty makaraang ilaglag ng mga isponsor ang pandarambong na sakupin ng panukala.
At naging langslide ang boto para sa bitay nang maiwan lamang ang mga kasong droga na masasakop nito.
Hindi kaya ang pandarambong ang pinakadahilan ng mga senador para ayawan ang bitay?
Lalo’t marami pa sa mga nakaupo ngayong senador ay pinaulanan ng grasya noong in-impeach si namayapang Chief Justice Renato Corona.
Dahil sa pagboto nila laban kay Corona, nakatanggap ang mga ito ng pabuyang mula sa P50M hanggang P100M.
Sa ibang salita, mga Bro, drama lang nila ang pagkapit umano nila sa kasunduang pang-human rights para tutulan ang bitay.
PAGBABAGO
Kung hahayaang mabuhay ang mga nasa droga, rapist at mandarambong, gaano kalaki ang masamang epekto ito sa buong bayan?
Walang gaanong makakamit na pagbabago ang mahal kong Pinas at wala ring katatakutan ang mga kriminal sa paggawa ng krimeng talaga namang maituturing na salot at sumpa sa ating lipunan.
Ang isa pang nakatatakot nito, paano kung isagawa ang pagbitay sa kung saan-saan nalang?
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
