GUSTO nating tulungan si Mayor Erap sa pagkilos nito laban sa matinding trapik sa kanyang lungsod.
At isa sa pupwede nating magawa ay ang pagsilip sa mga bara sa mga lansangan na ginawa nang permanente, lalo-lalong ng mga pamahalaang barangay.
Maraming lansangan ang lungsod ng Maynila na kung one-way ay pupwedeng sabay-sabay na tumatakbo ang tatlong sasakyan.
Dahil sa mga bara, iisang linya lang ang pupwede mong daanan.
Heto ang isang lugar na dapat bigyang-pansin ng mga tao ni Mayor Erap para lumuwag ang trapiko.
Sa looban na inipit ng Avenida Rizal at Quezon Ave. mula Quiapo at Sta. Cruz hanggang San Lazaro at Blumentritt, naririyan ang dalawang magkasalubong na one-way street.
Pero alam ba ninyo na bibihira sa mga parte ng dalawang one-way na kalsada ang pupwedeng magsabay ang dalawang sasakyan kahit na pupwede ang sabay-sabay at magkakatabing tatlong sasakyan sana?
Mayroon pang katabing kalsada o kumo-cross sa mga ito pero may napakarami ring bara.
Isa sa mga napansin natin dto ay ang ilang nakatayong barangay hall mismo sa kalsada at sakop nila ang kalahati ng kalsada.
Ang ibang bara ay ginawa nang permanenteng restoran ang mga kalsada o parkingan ng mga sira-sirang sasakyan na ginagawa ng bodega at basurahan.
Naririyan din ang mga permanenteng carwash, ihawan, repairshop ng mga sasakyan, junkshop, vulcanizing shop at iba pang mga bara.
Minsan, nadaanan natin ang isang sasakyang para sa clearing operations at may hinatak na sasakyan.
Pero magtataka ka at hindi hinahatak ang mga barangay hall, mga kubol ng mga restawran, mga ihawan, mga sirang sasakyan na ginagawang motel at basurahan at mga tambak ng mga junkshop.
Nagtatanong-tanong tayo kung sino ang may-ari sa mga negosyo at sasakyang sira na nakatambak sa kalsada.
Marami pala rito ang pag-aari ng mga chairman at iba pang opisyal ng barangay. ‘Yung iba, siyempre, ay pag-aari ng mga residente.
Ngayon, hindi ba pupwedeng magtayo o umupa ng bahay ang mga pamahalaang barangay?
Hindi ba pupwedeng ilagay sa loob ng mga gusali ang mga restawran, junkshop, welding at vulcanizing shop, sirang sasakya at iba pa?
Sa halip na makatulong kay Mayor Erap sa pagpapaluwag ng trapiko, mismo pa ang mga opisyal ng barangay ang lumilikha ng sakit ng ulo nito. OPEN LINE/BOBBY RICOHERMOSO