ANG mga lumba-lumba ay kilala bilang isa sa pinakamatalinong nilikha sa mundo, pero ang iba sa kanila ay nananabik din sa pagkakataong maglibang sa pagpapaka-high paminsan-minsan.
Ginagawa nila ito sa paghahanap ng isdang butete, huhulihin ito sa kanilang bibig at lalangoy na kasama ito. Kapag nakaramdam ng panganib ang butete, karaniwang lumolobo ito at naglalabas ng nakalalasong kemikal na nakamamatay kahit paunti-unti lamang.
Gayunman, nalaman na ang paunti-unting lason na nakukuha sa butete ay hindi sapat para ikamatay ng lumba-lumba kundi gagawin lang itong “high”.
Natuklasan ng mga dolphin kung paano makakukuha ng sapat na dami ng kemikal para madama ang parang narkotikong epekto nito nang hindi nagtatamo ng pinsala.
Habang gumagawa ng dokumentaryo sa mga dolphin, napuna ng Emmy award-winning filmmaker na si John Downer na maingat nilang nginunguya ang butete bago ito ipasa sa ibang lumba-lumba.
Nang maobserbahan na pawang mukhang hilo at masyadong tahimik matapos nguyain ang butete, batid na ni Downer na ang mga lumba-lumba ay na-high sa lason na nakuha nito.
Nawala ang pagdududa sa palagay na ito matapos makita ang mga dolphin na gumugugol ng matagal na panahon habang ang kanilang mga ilong ay nakalabas sa ibabaw ng tubig, na parang nag-oobserba habang nahahalina sa kanilang repleksyon.
Hindi magiging komportable ang lumba-lumba sa paligid ng mga tao hanggang sa punto na ipamamalas ang ganitong klase ng asal. Pero ang crew ni Downer ay gumamit ng espesyal na spy cameras na dinisenyo upang makapasok sa tagong buhay ng mga dolphin.
May mga kamera na inilagay sa pekeng isda para sa kuha sa ilalim ng tubig. Ang kuha sa ibabaw ay ginamitan ng kamera sa anyo ng pagong. Ginawa ang lahat ng ito upang madama ng lumba-lumba na komportable siya sa sarili niyang kapaligiran.
Sa mga nakalipas na taon, ang mga dolphin ay nakilala sa pagiging masayahin at palakaibigan tulad nang nakita sa popular na serye sa TV na “Flipper”. Ang talino nila sa paghahandog ng kasiyahan ang dahilan kaya paborito sila sa amusement shows.
Kapag nakakita kayo ng grupo ng mga dolphin na tulala, nakatingin sa langit at may kakaibang ngiti sa kanilang mga mukha, huwag kayong mag-alala. Pambihira talaga itong makita pero naaadik lang sila sa butete.
At paano naman si ginoong butete na nagmistulang laruan sa lahat ng ito? Hindi man sang-ayon sa ginagawa ng lumba-lumba pero wala itong magagawa kundi ang maghintay na pakawalan siya kapag nagsawa na ito.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.