SEMANA SANTA!
Ito ang bahagi ng taon na hihinto ang regular na gawain ni Mang Juan at Aling Maria para igugol ang ilang araw sa paggunita ng kamatayan ni HesuKristo.
Kaya nga tuwing sasapit ang Semana Santa o Kuwaresma, walang pasok ang mga nag-oopisina – pribado man o pampubliko – at trabahador dahil nagsasara ang mga opisina at pabrika.
Ang mga lansangan sa buong bansa, lalo na sa Metro Manila, malilibre sa karaniwan nang buhol-buhol na trapiko dahil ang mga motorista, kung wala sa bahay ay sa probinsya nagsisipunta.
Ang paglisan sa bahay ng mga pami-pamilya ay naging kaugalian na kapag sumasapit ang kuwarisma.
Ito kasi ang mahaba-habang panahon na makatatakas ang bawa’t isa sa araw-araw na gawain sa buhay.
Tuwing Semana Santa ay kinakalimutan muna ang gawain sa opisina o pabrika para makapagpahinga sa pamamagitan ng mahabang ‘bonding’ ng pamilya.
Kasama ang mga kaanak sa mga probinsya, ito ang pagkakataong magkumustahan at balikan ang nakaraan sa buhay, lalo na noong tayo’y mga bata.
Pero una sa lahat, ito ang panahon ng pagtitika-tika para gunitain ang hirap, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Kristo para tubusin ang kasalanan ng sanlibutan.
Ito rin ang panahon na napupuno ang mga simbahan, lalo na yaong mga kilala, tulad ng simbahan ng Manaoag sa Pangasinan.
Katulad ng maraming pamosong simbahan, ang Simbahan ng Manaoag ay dinarayo, lalo na ‘kapag panahon ng Kuwaresma.
Isa ito sa mga religious place na itinituring ng marami na nagdadala ng milagro sa mga mabibigat na pasanin sa buhay.
Hindi lang iilan, kundi marami na ang nagpatunay na deboto ng Birhen ng Manaoag na may dalang milagro at biyaya ang Birhen.
Naging kaugalian na rin na pagkatapos ng Huwebes Santo at Biyernes Santo na pagtiktika-tika, ang sumunod na Sabado Gloria ay araw ng pagsasaya dahil ang mga pamilya ay lumalabas para magpalamig sa mga resort at beach.
Pagkatapos ng Sabado Gloria ay muling babalik si Mang Juan at Aling Maria sa kanilang opisina at trabaho sa pabrika para muling harapin ang pansamantalang iniwan na gawain para ipagpatuloy ang araw-araw na ikot ng buhay. CHOKEPOINT/BONG PADUA