HINILING ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang pulisya ng lungsod na pinamumunuan ni Senior Supt. Jemar Mondequillo na hulihin at buwagin ang ‘Baclaran 7.’
Ang atas ni Olivarez ay hamon kay S/Supt. Mondequillo.
Ayon kay Olivarez, ang nasabing sindikato ay pinamumunuan nina alyas ‘Eve’, alyas ‘Jojo’ at alyas ‘Adam.’
Kumikita ang Baclaran 7 ng mahigit 1-milyon bawat araw mula sa paniningil ng P100 – P300 sa bawat isang vendor.
Kay Jojo inaabot ang bayad.
Si Jojo ay dating kawani sa Bureau of Immigration, samantalang si Eve ay opisyal daw ng pamahalaang lungsod ng Parañaque, at si Adam naman ay may koneksyon sa isang opisyal sa Southern Police District.
Ayon kay Olivarez, ipinabuwag na niya ang Baclaran 7 noong nakalipas na taon, ngunit muling namamayagpag pa rin.
Tiyak akong mayroong mga opisyal na nakikinabang mula sa SPD at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Isang maling kabuktutan kung sina Jojo, Eve at Adam lamang ang nakikinabang.
HAMON KAY CHIEF INSP. MAHILUM NG PANGASINAN
NAKARATING sa akin na talamak ang iligal na pasugalan ng mga Ibasan sa ilang barangay sa Manaog, Pangasinan.
Talamak na talamak ang drop ball ng ilang miyembro ng pamilya Ibasan. Ngunit, hindi ipinaaaresto ni Mahilum ang mga sangkot.
Hindi rin ipinatitigil ni Mahilum ang drop ball kahit may utos si Director General Ronald Dela Rosa laban sa iligal na sugal sa bansa.
Ang masama, dinarakip pa raw ng mga pulis-Manaog ang mga mamamahayag na naglalantad ng mga iligal na sugal sa nasabing bayan.
Ibig-sabihin, tahasang nilalabag ni C/Insp. Mahilum ang utos ni Dela Rosa na nakabatay sa adyenda ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Dave Mahilum, hamon sa pagiging opisyal mo na mapatigil ang iligal na sugal sa Manaog – maliban na lamang kung kumikita ka rito.
CADAC WALANG HUMPAY LABAN SA ILIGAL NA DROGA
ANG CADAC (Caloocan Anti-Drug Abuse Council) na pinamumunuan ni Mayor Oscar Malapitan ay walang humpay sa pagsugpo ng iligal na droga upang mailigtas ang mga nalulong sa bawal na gamot.
Kamakailan lang, pinulong ni Malapitan ang lahat ng sektor na kasali sa CARROTS (Community-Assisted Rehab and Recovery Out-patient Training and Treatment System) upang palawakin ang paggamot sa ikatlong batch ng mga nagsipagsukong adik sa lungsod.
Ang CARROTS ay suportado ng Simbahang Katolika at mga negosyante ng lungsod na handa silang tumulong upang maging matagumpay ang CARROTS.
===
Problema at hinaing n’yo, itawag, o i-text sa: 0998565027. BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA