ANG ipinangangalandakang survey ng administrasyon at oposisyon, kung tutoo, ay maaring ebidensya na ang ating mga botanteng kababayan ay makasarili, kundi man bobo, sa pagpili ng kandidato na hahawak ng renda ng bayan.
Sarili lamang ang iniintindi ng mga botanteng maghahalal ng mga pinunong bayan dahil sa taglay nilang apelyido. Hindi mahalaga sa mga ito ang bayan o ang darating na salin-lahi kaya kahit na walang tamang kwalipikasyon ay iluluklok nila ang mga ito sa poder.
Aba sa totoo lang daig pa ng mga janitor ang marami sa mga tumatakbong kandidato ngayon. Ang janitor kasi may qualifications bago ka matanggap bilang janitor samantalang marami sa mga kandidato ay walang kwalipikasyon kundi ang apelyido ng kanilang pamilya at ang bitbit na salapi.
Kung mananalo sa eleksyon ang mga kandidatong sikat dahil lamang sa apelyido ay tiyak na lalaganap lalo ang korapsyon sa pamahalaan at ating lipunan. Ito rin ay magiging banta sa demokrasyang bayan na ating pinagpapasasaan ngayon.
Pansinin na kung magkakamag-anak na ang nakaupo sa poder ay mawawalan na ng saysay ang sistemang check and balance sa ating pamahalaan. Imbes na imbestigahan ang mga katiwalian ay tiyak na pagtatakpan na lamang ito. Dahil dito ay lalaganap ang korapsyon at kultura ng kawalang pananagutan o culture of impunity.
Dahil sa walang alam sa pamamalakad, ay aasa ang mga mananalong kandidato sa dikta ng kanilang mga kamag-anak na nasa poder o mga malalapit na amuyong. Dahil bobo at makapal ang mukha ay susundin tiyak nito ang mga payo ng mga taga-sulsol. Magkakaroon tuloy ngayon ng tinatawag na governance without accountability, na isa ring uri ng korapsyon, dahil ang maghahari ay yung mga taga-sulsol at hindi yung bobong inihalal.
Dahil sa magkakamag-anak na ang nakaupo sa poder ay tiyak na etsa puwera na ang bayan sa halinhinang sa kapangyarihan. Ang resulta nito ay ang pyudal na kaayusan ng pamahalaan parang sa North Korea bagamat may mukha itong moderno. Malinaw na sa ganitong siste ay walang demokrasya.
Bantayan natin ang ating mga kababayan at malalaman ninyo sa inyong mga komunidad kung sino ang maka-sarili at hindi.
* * *
Nakiki-usap ako sa mga kandidato na wala namang kwalipikasyon kundi ang apelyido na umatras sa eleksyon alang-alang sa bayan.
Nakiki-usap ako sa mga kandidato ng mga dinastiya na huwag nang tumakbo at pagbigyan na lamang si Juan dela Cruz na maka-pili ng tunay na lider ng bayan.
Nakiki-usap ako sa mga kandidato na pera lamang ang dala at hanap na sana ay huwag ng tumakbo at ng di masala-ula ang halalan.
Nakiki-usap ako sa mga talunan na huwag nang maging makulit sa paulit-ulit nilang pagtakbo. Ayaw sa inyo ng tao.
At siyempre nakiki-usap ako sa mga botante na mag-isip kayo.
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa isang pribadong hot spring ay pumunta kayo sa Infinity Resort, Indigo Bay Subdivision, barangay Bagong Kalsada, Lungsod ng Calamba. Malapit lamang ito sa Metro Manila at mula rito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Tawagan ninyo si Gene Lorenzo sa 09063555560 para sa karagdagang impormasyon.