MAHALAGA ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong nakaraang paggunita ng Araw ng mga Manggagawa.
Aniya, “Dapat anihin ng mga manggagawa ang bunga ng kanilang pinaghirapan.”
Subalit hindi simpleng salita ito dahil napakarami ang interes na nakakawing dito.
Gayunman, isa sa mga dapat na pakahulugan dito ay panahon na para lumaya sa malaalipin at malapulubing kalagayan ang mga obrero.
Makataong kalagayan ang nararapat sa kanila kung malinaw na ang ikinayayaman ng kanilang employer, halimbawa, ay nagmula sa kanilang pawis.
HINDI MADALI
Ang totoo, hindi madaling kamtin o anihin ng mga obrero ang bunga ng kanilang pinagpapaguran.
Maraming balakid dito.
Sa hanay lamang ng mga obrero sa mga sisinghap-singhap ang buhay na kompanya, mas minamabuti ng mga ito ang magpatuloy sa trabaho na may kaunting kita kaysa ganap na mawalan nito at mapabilang sa milyon-milyong istambay at nagugutom.
Sa hanay naman ng mga nasa malalaking kumpanya, marami ang mga batas o kalagayan na umiiral para rendahan sila.
May alam tayo, mga Bro, na kumpanya na nagsara at lumipat sa ibang bansa dahil hindi na nakayanan ng kumpanya ang pagbabayad ng napakamahal na kuryente simula nang umiral ang Electric Power Industry reform Act.
Sa ngayon naman, umiiral pa rin ang batas sa kontraktuwalisasyon at kailangan dito ang pag-amyenda o pagbuwag.
Kaya nga sinasabi mismo ni Labor Sec. Silvestre Bello na wala pa sa kapangyarihan ng kanyang departamento ang kumilos para lansagin na nang tuluyan kontraktuwalisasyon.
BALAKID NA MGA BATAS
Walang tiyak na rekord ang Department of Labor and Employment kung gaano kalaking bilang ng mga obrero ang tinatamaan ng kontraktuwalisasyon.
May nagsasabing nasa pitong milyon lahat habang sinasabi naman ng ilang organiisadong grupo na nasa 90 porsyento tinatamaan sa kanila.
Ang napakarami namang lokal na pamahalaan mula sa bayan at lungsod hanggang sa lalawigan ay nagsasabing halos wala nang regular na empleyado sa kanila kundi puro mga kontraktwal.
Pababalik-balik na nga lang umano ang mga obrero sa kanila para magpatulong sa paghahanap ng trabaho tuwing nasisibak na sila sa kontraktuwalisasyon.
Sinasabing ang Herrera Law na Republic Act No. 6715 na ipinasa noong March 2, 1989 at panahon ng nanay ni PNoy ang may gawa ng kontraktuwalisasyon.
Sinundan ito makaraan ng ilang linggo ng “Wage Rationalization Act” or RA 6727 na nagbalewala na sa kapangyarihan ng pamahalaan para sa paggagawad ng minimum wage na pare-pareho sa lahat ng uri ng obrero sa buong bansa.
Ito ang mga balakid ng DOLE o mismong opisina ni Pang. Digong para “maani ng mga obrero ang bunga ng kanilang pinaghihirapan.
AMYENDA O PAGBUWAG
Nasa kamay ng Kongreso o ng Kamara at Senado ang pag-amyenda o pagbuwag sa Herrera Law at Wage Rationalization Act.
Nasa kamay rin nila ang pagpapanumbalik sa kamay ng Palasyo para sa pagdedeklara ng pambansang minimum wage.
Isulong man ng Palasyo ang pagbuwag o pag-amyenda, kung ayaw ng mga kongresman, masasabing walang magagawa ang Palasyo.
Maaari namang maglabas ang Palasyo ng executive order o kautusan laban sa nasabing mga batas subalit paano kung lalabanan ito ng mga mambabatas at maiimpluwensiyang employer?
Eh, marami sa mga mambabatas ang employer din na direkta o kaya’y kasosyo o nakikinabang sa ibang paraan sa mga malalaking negosyo na gustong-gustong pairalin talaga ang kontraktuwalisasyon at hiwa-hiwalay na pagtatadhana ng sahod ng mga obrero.
PAGSASAMA-SAMA
Nitong nakaraang Labor Day, pinulong ni Pang. Digong ang mga lider ng iba’t ibang grupo ng mga obrero.
Natural na pinag-usapan ang pagtutulunngan para “makamit ng mga obrero ang bunga ng kanilang pinaghirapan.”
Pinag-usapan din ang mga balakid dito. Pero sa mga grupo ng mga obrero, may mga hindi pagkakaintindihan din.
May mga malalamya ang posisyon samantalang may mga radikal.
May mga nagbebenta pa nga ng mga karapatan ng mga obrero o nagiging tuta ng mga malalaking negosyante, kabilang na ang mga kapitalistang politiko o nasa gobyerno mismo.
Dapat na maayos ang mga ito upang magtagumpay ang mga obrero sa laban nila para sa kanilangmga karapatan at obligasyon na rin.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA