PAGING Department of Trade and Industry Sec. Ramon Lopez, baka naman pwede ninyong papasadahan ang Isetann Department Store sa Recto, Sta. Cruz, Maynila partikular na sa mga nagbebenta ng mga appliances na pawang depektibo.
Basahin ninyo ‘to Mr. DTI Sec. Ramon Lopez..
Good am, Sir Johnny. Ako po ay nakabili ng aircondition sa Isetann Department Store sa Recto. Ang name ko po ay Len Salavante at humihingi sa inyo ng tulong para maaksyunan ng kinauukulan ng Isetann Recto para mabalik ang pera ko sa nabili kong depektibong aircondition na binili ko noong Abril 29, 2017. Ang brand nito ay Eurika 0.6 horse power para sa aking kuwarto na hindi naman gaanong kalakihan.
Kasama ko pong bumili ang tatay ko noon at tinanong ko po ‘yung taga-benta na si Mr. Cabansag kung okey ba ‘yung aircon na bibilhin ko para sa aking kuwarto at okey naman daw. Kaya nagkasundo kami atsaka binayaran ko ang aircon at inuwi ko na sa aming bahay. Ngunit ‘di po nagtatagal at tinesting naming ng aking tatay at sinunod ang sinabi ni Cabansag.
Ang masakit rito, Sir Johnny, hindi tumatagal ang lamig ng fan sa aircon dahil hirap siyang lumamig kaya nagpasya kami kinabukasan na puntahan ang Isetann Recto para ireklamo ang nabiling aircon.
Pero noong nasa Isetann Recto na kami ay hirap na hirap kaming makipag-usap sa mga tao roon dahil sa ayaw na nilang i-refund ‘yung pera namin. Bagkus ay kinumbinsi pa akong bumili ng 1 horse power noong May 5,2017 na kinuha na namin at nagbayad ulit kami.
Ang siste pagkabayad namin sa 1 horse power na aircon ay pinapirmahan sa akin ang isang certification na sa Tronix Service Center ng Eurika kami maghabol kung sakaling may deperensiya ule ang appliances.
E, ang kaso Sir Johnny ay may deperensiya ule ang kinuha naming aircon at pinatingnan ko sa Tronix Service Center. Ang lumabas sa kanilang eksamin ay factory defect daw.
Ayaw na kaming intindihin o kausapin at pinalalabas nila na “No Refund and No Exchange” samantalang halos pangalawa na naming binili ‘yun sa kanila na puro depektibo. Sir Johnny, ang namamahala roon ay isang Ampie Samonte at ang Department Head sa 5th floor na kausap namin ay isang alyas Cherry.
Salamat po.
SAKLAAN SA COCKPIT, PROTEKTADO NI HEPE
Malakasan ang pasaklaan ni Onjie sa Indang Coockpit Arena ng Indang, Cavite. Halos dinudumog ng mga mananabong ang pasaklaan niyang ito kahit napakarami nang mga magulang at mga taga-Indang ang nagrereklamo.
Walang ginagawa si Indang chief of police Supt. Willie Salazar kundi ang tumunganga kahit kaliwa’t kanan na ang reklamo sa kanya sa pasaklaaan ni Onjie sa Indang Cockpit Arena.
Magkano?
oOo
Anomang puna o reklamo i-text sa 09189274764, 09266719269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com. JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA
