MARAMING mambabatas ang tutol sa pagbabalik ng parusang kamatayan, sapagkat kumbinsido silang hindi ito ang solusyon sa talamak na kriminalidad sa Pilipinas.
Naniniwala ang mga mambabatas na ito na mayroon pang paraan upang mabago ang mga kriminal, kabilang na ang mga pulis na mamamatay-tao, kapag sila ay nakulong nang habang-buhay sa New Bilibid Prison.
Ang tanong ko po: “Bakit kaya ubod nang lakas ng loob ng apat na pulis-Makati na sina PO1 Tim Santos, PO1 Jeffrey Cañete, PO2 Harley Garcera, at PO2 Clarence Maynas na kidnapin ang dalawang tao, manghingi ng P400,000 (na nauwi sa P250,000) sa nasabing dalawang biktima kapalit ang kanilang kalayaan, at manakot na papatayin ang kani-kanilang pamilya kundi ibibigay ang balanseng P250,000?”
Alam naman ng apat na masama ang kidnapping, robbery-extortion at frustrated multiple murder, pero ikinasa pa ng mga lokong ito. At alam na alam naman nila na posibleng mabisto ang ginawa nilang krimen tulad din ng ginawa ng mga Anti-Illegal-Drugs Group kay Jee Ick-Joo noong nakaraang taon.
Ano ba ang nangyari sa mga tauhan ni Chief Inspector Oscar Pagulayan sa intelligence unit sa Philippine National Police – Makati City?
Natutulog ba sa pansitan ang hepe ng PNP – Makati City na si Senior Superintendent Dionisio Bartolome kaya naganap ang mga nasabing krimen?
Hayan, hindi lamang tinanggal sina Pagulayan at Bartolome, kundi iniimbestigahan na rin sila ng National Capital Region Police Office upang alamin kung bahagi sila sa pangingidnap ng apat.
Dapat ipasa na ng Kongreso ang parusang kamatayan para maparusahan nang wasto ang mga pulis na katulad nina Santos, Cañete, Garcera at Maynas.
AKSYON AGAD…
HINDI po si pareng Almar Danguilan, pangulo ng Quezon City Police District Press Corps, ang tinutukoy ko, kundi si Lungsod ng Caloocan Mayor Oscar Malapitan dahil siya ay umaksyon agad sa pangangailangan ng mga residente ng Barangay 182 – 188 na kamakailan ay nawalan ng tubig.
Nang makarating kay Malapitan ang problema, hindi nagpatumpik-tumpik ang alkalde upang tugunan agad ang problema ng mga residente.
Kaya, agad nagkatubig ang mga taga-Barangay 182 – 188. BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA
