HIHIGPITAN na raw ang pag-iisyu ng driver’s license sa lahat ng mga nagnanais kumuha nito. Ang dahilan ay upang maiwasan daw ang mga aksi-dente sa kalsada na kalimitan daw ay nagreresulta ng pagbuwis ng buhay at pagkasira ng mga ari-arian dahil kulang sa kaalaman sa pagmamaneho at kasanayan ang mga tsuper.
Ito ang naging pahayag ni Sen. Grace Poe na tumatayong chairman ng Senate Committee on Public Services sa kanilang ginawang pagdinig kaugnay sa pagpapalawig sa driver’s license mula sa tatlong taon ay gagawin ng limang taon.
Bukod pa roon ay hihigpitan na rin ang pagkuha ng mga driver license para nga naman daw maiwasan ang mga aksidente sa kalsada na nagiging sanhi ng pagkakabuwis ng buhay at pagkakasira ng mga ari-arian.
Maganda ang panukalang ito ni Poe, pero kung ako ang tatanungin ay hindi ito ang tamang solusyon para maiwasan ang mga nangyayaring aksidente sa mga kalsada at pagkasira sa mga ari-arian dulot ng kakulangan sa kaalaman.
Wala sa mga panukala ang makapagkontrol ng mga aksidente sa kalsada dahil ang aksidente ay kusang dumarating lalo pa kung ang nagma-maneho ay pawang mga barumbado, arogante, lasing, sabog sa droga at iba pa.
Kahit ilang beses na higpitan ng Land Transportation Office (LTO) ang pagbibigay ng driver’s license ay hindi ito magagarantiyahan na mapigilan ang mga nangyayaring aksidente sa kalsada.
Dapat gumawa ang mga mambabatas ng batas kaugnay sa speed limit para marendahan ang bilis ng takbo ng mga sasakyan at iba pa para maiwasan ang anomang naka-umang na panganib sa mga lansangan gaya ng sapat na mga babala at notisya sa mga lansangan.
PADER SA MGA COP NG PANGASINAN
Malakas ang loob nitong si Aling Emma I na maglatag ng kanyang puwesto pijo na color games sa Mangaldan at Calasiao, Pangasinan dahil sa malakas siya kina Mangaldan Chief-of-Police Supt. Jeff Bangid at Calasiao Chief of Police Supt. Charlie Umayam.
Kaya kahit ilang beses na kalampagin ang mga hepeng ito ay hindi kumikilos.
Hindo ko sinasabi na malaki ang timbre na ibinibigay sa kanila ni Aling Emma I. He, he!
oOo
Anomang puna o reklamo, i-text sa 09189274764, 09266719269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com. JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA