ITO ang salita ni Senador Ping Lacson ukol sa kung maging state witness si Janet Lim-Napoles kaugnay ng P10-bilyong pork barrel scam ng mga senador at kongresman.
Para sa atin, hindi nagbibiro si Lacson at nagsasabi lang siya ng katotohanan.
‘Yun bang === nakararami sa mga senador ngayon ang kasosyo sa iskam ni Napoles noon.
At kung nakakulong man si Napoles ngayon sa mga kasong pandarambong, tiyak na makukulong din sa kasong plunder ang nakararami sa mga senador.
Magkakasapakat kasi sila kaya ang kasalanan ng isa ay kasalanan din ng iba.
KONTRA KAY NAPOLES
Makaraang lumutang ang posibilidad na maging state witness si Napoles, anak ng tokwa, ang daming mambabatas sa Kamara at Senado ang umaangal.
Siyempre pa, ligal na katwiran ang kanilang panlaban. Sinasabi ng batas ukol sa mga state witness na kung “least guilty” o may pinakamliit na pagkakasala ang isang akusado, pupwede siyang maging state witness.
Pero kung maituturing siyang principal sa krimen, nungka na maging state witness siya laban sa mga kongresman, senador at iba pang mga opisyal sapamahalaan gaya ng mga nasa Palasyo noong nagaganap pa ang Napoles scam.
PABOR KAY NAPOLES
Para naman sa pabor kay Napoles na maging state witness, tinitingnan si Napoles na hindi principal kundi least guilty dahil dinaluyan lang siya ng salaping dinarambong noon ng mga kongresman, senador at mga taga-Malakanyang.
Sa ibang salita, mga Bro, may Napoles man o wala, dahil mga korap at mandarambong ang mga nasabing opisyal, gagawa at gagawa ang mga ito ng katulad ni Napoles na daluyan ng mga iskam.
At sa katunayan, may iba pang mga iskam ng mga nasabing opisyal na hindi kasali si Napoles kundi ibang mga tao.
Kabilang diyan ang mga ghost project at pagkakaroon ng mga komisyon na 20 porsyento hanggang 50% na kikbak gamit ang mga kamag-anak, sariling kumpanya at kaibigan.
ALA-RUBY TUASON
Natatandaan pa ba ninyo ang ukol kay Ruby Tuason na noo’y opisyal ng Malakanyang?
Kinasuhan siya, kasama ang 24 iba pa, sa pagdambong ng nasa P900-milyong Malampaya Fund na para sana sa mga biktima ng kalamidad.
Pinaghati-hatian umano ng mga ito ang mahigitt sa P380M kikbak sa pag-iskam sa pondo at kasama sa mga kaso rito si Napoles.
Noong una, todo-deny si Tuason sa pagkakasangkot dito pero sa huli, umamin siya at nagsauli ng P40M at naging state witness.
Pero sabi ng iba, 1/4 lang ng halagang napasakamay niya ang naisauli niya.
Matatandaang isa siya sa mga principal na akusadong nakakikbak umano ng P242.775-milyon.
Ngayon, mga Bro, paano kung umamin din si Napoles, sabay sauli ng parte ng nakulimbat niya?
Oks din ba itong maging state witness gaya ng ginawa ng Ombudsman kay Tuason?
ANG HUWES ANG MAGPASYA
Para naman kay Pangulong Digong, batay sa karanasan niya bilang piskal noon, ang huwes talaga ang magpapasya kung kwalipikadong maging state witness si Napoles.
Ang piskal umano ay hihiling lang sa hukuman pero pupwedeng hindi siya pagbigyan ng korte.
188 KONGREsMAN, 16 SENADOR
Lumutang noon na may 188 kongresman at 16 senador sa listahan ni Napoles na kasabwat niya o nagpadaloy sa kanya ng pera sa kanyang mga non-government organization.
Tanong: Sino sa mga ito ang nagsasabing hindi pupwede si Napoles na maging state witness?
Kung sino sa kanila ang pumutak laban kay Napoles, nakadududa.
Ngunit kung may magsabi sa mga ito ng “go ahead’, eh, ‘di subukan.
SIYAM-SIYAM
May isa nga lang na problema sa pagiging state witness ni Napoles.
Baka may magsampa ng kaso para kwestiyunin siya na maging state witness.
Alam naman natin kung gaano kakupad ang hukuman sa paggawa at pagbababa nito ng desisyon.
Siyam-siyam ang aabutin mo mula sa regional trial court hanggang sa Supreme Court.
‘Yun bang === wala na si Pangulong Digong sa puwesto at may bago nang Presidente ngunit natutulog pa rin ang kaso sa korte.
SA KAMARA KAYA?
Sa salita ni Sen. Ping, may mga senatong.
Ilan at sino-sino naman ang mga tongresman na nasangkot kay Napoles?
Posible rin bang gagawin ang sesyon sa kulungan dahil doon matatagpuan ang quorum ng mga ito, gaya ng mga senatong?
O ilabas na ang mga pangalan ng 188 kongresman noon at 16 na senador na korap at mandarambong.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA