HALOS hindi na magkandatuto sa pagpapaliwanag si Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Brig. Gen. Resty Padilla Jr. sa pagpapakahulugan ni Pangulong Rodrigo sa posibilidad na muling pagdedeklara ng Martial Law sa Mindanao.
Ito’y sakaling panigan ng Supreme Court ang petisyon ng ilang sektor na kumukuwestiyon sa kung ano ang katotohanan sa nasabing deklarasyon.
Sa pahayag ng heneral, hindi naman daw tinukoy ni Pangulong Duterte na aabusuhin niya ang Martial law kapag ibinalik niya ito sakaling panigan ng SC ang petisyon ng ilang sektor na kumukuwestiyon sa validity nito.
Kung ating hihimay-himayin, ang pagpapakahulugan ng Punong Ehekutibo tungkol sa sinabi niyang, “mas magiging malalim ang gobyerno sa pagpataw sa Batas Militar sa Mindanao” sakaling panigan ng SC ang petisyon.
Kung ako ang tatanungin, wala akong nakikitang mali para kuwestiyunin ang Pangulo sa pagkakasabi nito na magiging mas malalim ang gobyerno sa pagpataw ng Martial Law sa Mindanao.
Dahil wala namang binanggit ang Pangulo ukol sa pangalawang pagdedeklara nito ng Batas Militar sa Mindanao na kanyang ipakakalaboso o ipapapatay ang sinomang pinaghihinalaang lalabag sa batas.
At wala rin namang dapat ikatakot ang mamamayan sa Martial law lalo pa’t wala ka namang ginagawang masama laban sa gobyerno, o wala ka namang isinusulong na pag-aaklas.
Pulitika ang nakikita ko kaya lumalaki ang isang isyu na hindi naman dapat palakihin ng mga anti-Duterte. ‘Yun-yun.
PADER KAY HEPE ANG BOOKIES SA P. GARCIA
Ang operator ng bookies ng Small Town Lottery (STL) sa Padre Garcia, Batangas ay si Kap. Tisoy na sinasabing hindi kayang gibain ang “Bookies Emperor” nito sa nasabing bayan.
Eh paano, nasa likod niya si Padre Garcia Chief of Police S/Insp. Fernando Fernando, kaya hindi lang matibay kundi “untouchable” pa ang bookies ni Kap. Tisoy.
oOo
Anomang puna o reklamo i-text sa 09189274764, 09266719269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com. JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA