NAKAPANININDIG-BALAHIBO ang katotohanang may libo-libo nang nasisiraan ng bait sa mga evacuee mula sa giyera sa Marawi City.
Ayon sa mga awtoridad na nangangasiwa sa mga evacuation center, umaabot na sa 18,000 katao ang kinakakitaan ng pagkabaliw mula sa “nagsisimula pa lang” hanggang sa malala nang kalagayan.
Napakalaki ang bilang na ito na direktang bunga ng terorismo na ngayo’y binabaka ng pamahalaan at mamamayan na rin.
Paano ba resolbahin ang problemang ito na upang hindi na madagdagan at maibalik na rin sa katinuan ang mga biktima?
HINDI SIRA LAHAT
Kung tutuusin, mga Bro, higit pang nakararami ang mga tahanan na pupwedeng balikan at tirahan ng mga mamamayan ng Marawi kaysa sa mga nasira.
Ito’y dahil sa hindi naman lahat ay pinagsusunog o sinira ng mga terorista at nasunog at nasira dahil sa pagpapakawala ng pamahalaan ng mga buong pwersa nito laban sa mga terorista.
Subalit may mga iba pang mahahalagang bagay na nasa isipan ng mga evacue at ito ang mga dahilan na rin upang mawala sa katinuan sa pag-iisip ng libo-libong evacuee.
WALANG MADARATNAN
Isa sa mga ikinalulungkot ng marami ang kawalan o pagkasira na ng madadatnan nilang gamit at puhunan para sa kanilang pagbangon bilang mga indibiduwal, pamilya at mamamayan.
Pagkain, naipong yaman, kagamitang pambahay at iba pa.
Napakasakit at napakahirap ngang isipin na wala o kakaunti na nga ang nadala nila sa mabilisang pagbabakwit, wala pa silang madaratnan na pupwede nilang ikababangon tungo sa disente at mapayapang pamumuhay.
Paano nga naman sila makapag-iisip nang matino sa ganitong kalagayan?
NAMATAYAN
Isa sa mga pinakamasakit na iniisip ng mga biktima ang pagkamatay ng kanilang mga ama, ina, anak at iba pang mahal sa buhay.
Masakit isiping mamatay sa harapan mo ang iyong mga mahal sa buhay sa mga evacution center.
Masakit ding isipin na kabilang sa mga mahal mo sa buhay ang namatay sa palitan ng putok ng magkabilang panig.
Gayundin na napakasakit isiping kabilang sa mga kalansay na lamang na natagpuan na pinugutan o pinukpok ng martilyo o tinatangay ng mga aso ang iyong mahal sa buhay.
Dito lamang ay sino ang hindi mababaliw?
ULILA
Hindi rin basta masusukat ang sama ng loob na makita ang iyong sarili na balo o ang mga batang lubos na naulila sa kanilang mga magulang.
Sino pa ang magiging haligi o ina ng tahanan? Sino ang mag-aalaga sa mga naulila, lalo na ang mga bata?
Paano ang kanilang kalusugan, ang kanilang pag-aaral, ang kanilang kinabukasan?
Ang mga pagmamahal na iniuukol ng mga magulang sa mga anak, gayundin ang respeto at pagmamahal ng mga batas sa kanilang mga magulang at nakatatanda?
Nakapanghihina ng loob ang lahat ng ito at nakaiiyak sa matagal na panahon.
WALANG KALAYAAN
Kung nagtagumpay ang mga terorista sa pamamahala sa Marawi, ibang lipunan ang mabubungaran ng lahat.
Bagama’t masasabing may makatatanggap sa ibang patakasan ng ISIS na nilalambungan ng kalupitan, higit na nakararami ang mawawalan ng kalayaan sa buhay na daan-daang siglo na nilang tinatamasa.
Ang relasyong Muslim at Kristiyano na puno ng kalayaan, kapatiran, pagtutulungan, pagmamalasakit ay mahahaluan ng mga diskriminasyon at pagpatay nang maramihan.
Nasaksihan ito habang nagaganap ang digmaan.
Paano ang mga mag-asawang Muslim at Kristiyano, ang mga magkakababata at magkakaibigang Muslim at Kristiyano, ang tahimik at masayang pamumuhay sa isang komunidad ng mga Muslim at Kristiyano?
Sa ilalim ng ISIS, walang puwang ang Kristiyanismo at kung magkaroon ng patayan, tiyak namang lilikha ito ng iba pang mga patayan hanggang sa kaguluhan at bumbulwak na dugo ng digmaan ang maghahari.
P20B PONDO
Naghahanda na ang pamahalaan ng nasa P20-bilyong pondo para sa rehabilitasyon ng Marawi pagkatapos ng digmaan.
Karaniwang malaking parte rito ang pagpapagawa ng mga tahanang nasira sa digmaan, mga daan, tulay, pier at pansamantalang pagpawi ng gutom, sakit at iba pa.
Ngunit paano ang malalim na sugat sa damdamin, nasirang mga relasyon at buhay, kinabukasan ng marami at iba pa?
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
