WALANG dudang nararapat lamang sibakin sa puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga opisyal at tax examiners ng Bureau of Internal Revenue sa pangunguna ni Commissioner Ceasar Dulay dahil sa P30-bilyong “tax scam” na pumabor nang todo sa Del Monte Philippines, batay sa reklamo ng isang Danilo Lihaylihay (taxpayer mula Quezon City) na inihain sa Office of the Ombudsman.
Bukod kay Dulay, ang iba pang sangkot sa plunder [pandarambong] ay sina Deputy Commissioner Gaudencio Mendoza, Jr., Assistant Commissioner Teresita Angeles (ng Large Taxpayers Service Division Office) Ofelia T. Yumang, Ruby P. Villanueva, Ma. Catalina G. Benedicto, Group Supervisor (GS) Exzaida D. Comentan, GS Cherylle Anne Adapon, Amelia A. Molinos, Belinda D. Balagtas, Lourdes B. Liwanag, Fatima P. Sarrosa, GS Noemi D. Castro, Chief LTDO Makati Edralin Selerio, Chief Assessment Ramoncito M. Ona, HREA Olivia Lao, at Reviewer Atty. Tess Salvador.
Batay sa Ombusdman Case No. IC-OC-17-1109 (kung saan nakakuha tayo ng dokumento nito), idiniin ni Lihaylihay na sina Dulay, Mendoza, Jr., Angeles at ang 14 pang BIR tax examiners “[have] conspired and connived taking advantage of their official position, authority, relationship, connection or influence to unjustly enrich themselves at the expense and to the damage and prejudice of the Filipino people and the Republic of the Philippines” upang bumaba ang buwis ng Del Monte Philippines mula sa P65-milyon mula sa halos P30-bilyon para sa taong 2011 – 2013.
Batay sa dokumento, noong Enero 31 ng taong kasalukuyan naganap ang iskam.
Idiniin ni Lihaylihay na sinadya ng mga taga-BIR na bawasan ng napakalaking halaga ang buwis ng Del Monte, ngunit hindi niya nabanggit sa kanyang reklamo ang dahilan ng iskam.
Subukan ninyong kwentahin, tiyak malulula kayo sa laki.
Ayon pa rin sa reklamo ni Lihaylihay, ang ginawa ng opisyal ng BIR ay maliwanag na paglabag sa Seksyon 2 ng Seksyon 1(d) (6) ng Republic Act No. 7080 o Plunder Law.
Nabanggit din sa reklamo na inaprubahan ni Angeles ang rekomendasyon sa pagbaba ng buwis na inendurso nina Selerio, Ona, Lao, at Salvador.
Ilang kayang mura ang pakakawalan ni Duterte para kina Dulay, Mendoza, Angeles, at 14 para sa tax scam na ito?
Sila kayang labingpito ang susunod na ‘gugulong ang ulo? BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA
