AY naku! Jusko po! Ang akala ko, nang umamin ang suspek na si Carmelino Ibañez sa karumal-dumal na pagmasaker sa limang miyembro ng pamilya sa San Jose del Monte, Bulacan ay closed case na ang kaso.
‘Yun pala ay patuloy pa ring magsisilbing palaisipan sa mga awtoridad ng Bulacan-PNP ang kaso dahil mismo sa bibig na ni Philippine National Police chief Gen. Ronald Dela Rosa na nanggaling na negatibo sa illegal drugs ang naarestong suspek.
Noong unang lumabas sa telebisyon at iba pang media outlet si Ibañez ay duda na ako sa ginawang pag-amin nito na siya ang pumatay at humalay sa magbiyenan, pati ang mga walang kamalay-malay na menor-de-edad.
Aba, kung ilalarawan ko ang pagkatao ng suspect, tila “may something” na bumabagabag sa utak niya kaya kahit anong ipaamin mo sa kanya ay garantisadong aaminin nito.
Hindi ko sinasabing may saltik sa utak ang suspek at hindi ko rin sinasabi na gawa-gawa lang ng kapulisan ang pagpapalutang kay Ibañez para aminin ang brutal na pagmamasaker sa pamilyang Carlos.
Kaya nga ‘di ba, sa naunang komento ko, partikular na sa may hawak ng kaso, kung kinakailangan na magsagawa ng mas malalimang imbestigasyon ang pulisya ay gawin nila ito.
Dahil baka sa bandang huli ay mauwi lamang ang kaso sa “fall guy” na si Carmelino Ibañez dahil tila hindi bangag sa droga ang suspek batay sa mga “inconsistent o pabago-bago” nitong statement.
Baka ang mangyari, habang nakakulong si Ibañez ay patuloy namang gumagala ang mga tunay na mga suspect. Aruy ko po. Kaya hayun, pati ang National Bureau of Investigation nagsabi nang mag-iimbestiga rin sa nasabing kaso.
Baka maunahan pa kayo ng NBI. Hala kayo! Hehehehe.
PACQUIAO SA PUSO KA PA RIN NG PINOY
Talo man si People’s Champ Senador Manny Pacquiao sa naging laban nila ng Australianong si Jeff Horn noong Linggo ay patuloy pa rin na ipinagmamalaki ng sambayanang Filipino ang ipinakita niyang tapang sa kanyang kalaban.
Kaya mananatili sa puso ng mga Pinoy ang iniambag na karangalan ni Pacquiao sa mga Pinoy sa buong mundo dahil sa tapang at galing sa boksing.
oOo
Anomang puna o reklamo ay i-text sa 09189274764, 0926671-9269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com. JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA