POSIBLENG may sariling diskarte si Pangulong Rodrigo Duterte kaya nito pinirmahan ang free education act at tiyak na may nakalaan itong pagkukunan ng pondo upang maging libre ang edukasyon sa lahat ng State Universities and Colleges.
Bagama’t maraming tumututol sa mga miyembro ng gabinete na lagdaan ng Pangulo ang free education act ay pinirmahan pa rin ito ni Duterte kahit na hindi pa alam ngayon ng marami kung saan kukunin ang bilyong halaga na gagamitin para rito.
Pabiro pa nga ng Pangulo, kung inaprubahan ng Kongreso ang batas na ito sino ba naman siya para hindi ito lagdaan samantalang maraming mga mag-aaral at magulang ang umaasa na maipasa ito ng mga mambabatas.
Sa pamamagitan kasi nito, magiging libre na ang pag-aaral sa kolehiyo sa mga SUC at maging sa mga paaralan na pinatatakbo ng lokal na pamahalaan.
Alam naman natin kung gaano kalaki ang ginagastos ng mga magulang sa pagpapaaral sa kanilang mga anak sa kolehiyo kaya’t sa pamamagitan ng batas na ito ay maraming nagpapaaral ang nakahinga nang maluwag dahil gagaan na ang kanilang mga gastusin.
Mas marami na rin sa mga kabataan ang magkakaroon ng interes sa pag-aaral dahil hindi na sila mahihirapan sa paghahanap ng kanilang gagastusin para lamang makapagtapos sa kolehiyo at makakuha ng kanilang inaasam na diploma.
Mungkahi nga ng ilan na tanggalin ang pork barrel ng mga kongresman at senador at gamiting pondo para rito.
Ayon pa nga sa isang senador na hindi na natin babanggitin ang pangalan, ang trabaho ng mambabatas ay ang gumawa ng mga batas sa kapakinabangan ng mamamayan at hindi ang maghanap ng pondo para sa ipagagawang proyekto sa kanilang distrito o mapipiling lugar.
Tama nga naman ang sinabi ng senador na ito at nakilala rin ito na hindi tumatanggap ng pork barrel simula nang maging miyembro ng Senate of the Philippines.
Marami kasi sa mga mambabatas ngayon na gusto lamang maging kinatawan ng kanilang distrito dahil na rin sa makukuhang pork barrel na hindi naman alam ng kanyang mga kalugar kung nagagamit ba nang tama.
Abangan na lamang natin kung ano ang susunod na hakbang ni Pangulong Duterte tungkol sa free education act dahil alam natin na may sarili itong diskarte kung saan kukunin ang budget para rito. PAKUROT/LEA BOTONES