IPAALALA at kokondinahin na naman ng mga komunista at pulahang aktibistang kapanalig ng maliit na pangkat ni Jose Ma. Sison sa Communist Party of the Philippines ang deklarasyon ng batas-militar ni Pangulong Ferdinand Marcos noong Setyembre 21, 1972.
Makalipas ang 45 taon mula 1972 at 31 taon makaraang tapusin ng pinagsanib na dilawang pwersa at mga magnanakaw na politikong anti-Marcos ang pamamahala ni Marcos sa bansa noong Pebrero 1986, muling babatikusin ng dilawang puwersa, mga magnanakaw na politiko at kasama ang mga komunista at pulahang aktibista ni Sison ang batas-militar at mismong si Marcos.
Tiyak na ang idudugtong lang sa sasabihin nila ay “pasista at tuta na rin ng Kano” si Pangulong Rodrigo Duterte tulad ng isinisigaw nila noon pang Disyembre 1968 kung saan itinatag ang CPP.
Napakalinaw pa sa sikat ng araw na matagal nang wala si Marcos at 1989 pa siya namayapa, samakatuwid wala na ang batas-militar.
Kaso, ngayong Setyembre 21 ay muling isasaksak sa isipan ng mamamayang Filipino na dapat kondinahin ang mga naganap sa batas-militar mula 1972 – Pebrero 1986.
Iyan ang masama sa dilawan at komunista – napakahusay kalkalin ang mga pagkukulang ni Marcos, ngunit ayaw ilantad ang mga nagawang mabubuti na pinakikinabangan din naman nilang lahat.
Ayon kay Dr. Jaime C. Laya (Budget minister at Central Bank chief ni Marcos), sa panahon ni Marcos ay napakaraming bigas ang inaani ng mga magsasaka na hindi lamang kasya sa mga hapag-kainan ng mga Filipino, kundi exporter pa ng bigas ang Pilipinas sa maraming bansa.
Nakapagprodyus pa ng produktong “rice oil” ang administrasyon ni Marcos, patuloy ni Laya. Ngunit, simula nang maupong Pangulo si Cory Aquino hanggang kay Noynoy Aquino, naging numero unong rice importer ang Pilipinas.
Ngayon, sinisisi ng mga dilawan at pulahan sina Marcos at Duterte sa krimeng nagawa ng mga Aquino.
Ayon kay Dr. Jaime C. Laya, nanatiling nakatindig ang ekonomiya ng Pilipinas kahit pa itinigil ng OPEC ang pag-export ng langis sa mga bansang oil importers noong dekada ‘70 dahil sinuportahan ng OPEC ang Israel sa pakikidigma nito laban sa mga bansang nasa Gitnang Silangan.
Hindi rin tumiklop at nagpatakot ang administrasyong Marcos laban sa mga rebeldeng Muslim.
Ipinaalala naman ni Cesar Virata (Prime Minister at Finance chief ni Marcos) ang mga proyektong pangkalusugan at serbisyo ni Marcos na hanggang ngayon ay pinakikinabangan ng mamamayan tulad ng Lung Center of the Philippines, Philippine Heart Center, National Kidney and Transplant Institute at iba pa.
Idiniin din ni Virata na mahalaga ang pagpapalit ng pampulitikang sistema ng bansa sa parlamentong sistema mula presidensyal noong 1972.
Nakita ni Marcos na maling-maling talakayin at ipasa ang mga panukalang batas sa Kamara del Representantes at pagkatapos ay pag-uusapan at ipapasa uli sa Senado kung saan milyon-milyong pondo ng pamahalaan ang napupunta at nasasayang lamang sa sahod at benepisyo at pork barrel ng mga senador at kongresista.
Hindi maipagkakaila na sa panahon din ni Marcos naitatag ang Office of the Ombudsman at Sandiganbayan, mga korteng umuusig, lumilitis, at nagpapakulong sa mga magnanakaw at mandarambong na opisyal at kawani ng pamahalaan, patuloy ni Virata.
Sa kabila nito, ayon kay Estelito Mendoza (Solicitor-General at Justice Minister ni Marcos) ang mga nagprotesta sa Korte Suprema noong 2016 para hindi matuloy ang pagpapalibing kay Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani sa Lungsod ng Taguig ay mga abogado at aktibistang hindi naman kasama sa Presidential Decree 1081 na ipinahuli at ipinakulong ni Marcos noong ideklara niya ang batas-militar noong 1972 dahil sa mga krimeng nagawa laban sa estado.
Ngunit, makakapal ang mukhang idindiin ng mga dilawan at pulahang abogado at aktibista na sila ay kabilang sa mga ipinadakip, ipinakulong, at ipinatortyur ni Marcos. Niloloko na tayo ng mga dilawan, komunista, at pulahan gamit ang kontra-Marcos at kontra-batas-militar nilang mga panawagan. BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA