MAY kanya-kanyang reaksyon ukol sa giyera sa droga.
Kabilang sa mga reaksyon ang galing mismo sa mga napagtanungan ng Social Weather Station ukol sa mga patay sa giyera kung nanlaban o hindi ang mga ito sa pulis.
Sinasabing nasa 54-58 porsyento ang hindi naniniwala na nanlaban ang mga napatay.
Pero sa mga class D at E iyon ng ating lipunan.
Paano naman ang sinasabi ng 60 porsyento ng class ABC na lumaban ang mga biktima?
PROBLEMA NG PULISYA
Ipagpalagay na lang na ang ibig-sabihin ng kabuuan ay nasa kalahati ang hindi nanlaban, kailangang harapin ito ng pulisya.
Bilang tagapagtanggol at tagalingkod ng bayan, dapat na pagsumikapan ng pulisya na baguhin ang masamang imaheng ito.
Hindi nga ba may sinasabing 3,500 iskalawag na pulis at maaari nating sabihin na galing sa hanay ng mga ito ang masamang imahe ng pulisya sa mata ng bayan?
Kung ganito ang sitwasyon, dapat lamang na pagtuunan ng pansin ito ng pulisya. At isa sa mga pinakamagandang gawin ay pagsisibakin ang mga ito sa tungkulin.
Ang pagsibak sa serbisyo sa mga ito ay epektibong hakbang upang malinis ang pulisya.
Ipagpalagay na lang na doble o triple ang bilang ng mga iskalawag, dapat lamang na kilalanin muna ang mga ito ng pamunuan ng pulisya at tsaka pagsisibakin sila.
HIGIT ANG TAPAT
Para sa atin, mga Bro, malaki ang pagtitiwala natin na sa 175,000 pulis, higit na nakararami sa mga ito ang hindi iskalawag.
‘Yun bang === naaayon sa batas ang kilos ng mga ito at hindi naman talaga perwisyo sa lipunan kundi tapat na tagapaglinkod at tagapagtanggol ng bayan mula sa mga nasa droga at kriminal.
Sa tagal ba naman at sa rami ng mga pulis na ating nakilala at nakasama, talaga namang karamihan sa mga ito ang tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin.
Ang malaking bilang pa nga ng mga ito ay halos hindi makabasag ng itlog.
‘Yun bang === ilang taon o buwan na lang ay magreretiro na.
Ayaw nilang masangkot sa anomang kailigalan na pag-ugatan ng kaso dahil sa pag-aalala na maperwisyo ang inaasahan nilang pagpensyon at pagtanggap ng mga benepisyo sa kanilang pagreretiro.
Kung masasangkot man sila sa mga patayan, naaayon pa rin sa batas gaya ng pagdepensa sa sarili sa panlalaban ng mga kriminal, kabilang na ang mga sangkot sa droga.
NANLABAN O HINDI
Sa kabila ng tila masamang balita mula sa nasabing sarbey, heto ang ilang punto na lumalabas naman sa sarili nating sarbey.
Alam ba ninyo na aprub sa marami ang pagkakapatay sa mga suspek sa droga?
Basta positibo na sangkot sa droga, lumaban o hindi ang mga ito, kapag napatay, hindi na lang iimik ang marami at nagpapasalamat pa sila.
Heto nga’t nagrereklamo na ang simbahan at pinararatangan na rin ng mga pari at obispo ang kanilang kawan na maaaring “kasabwat” na sa mga pagpatay ang mga ayaw magsalita kung may napapatay.
Sa kabila kasi ng mga pangaral ng mga pari at obispo, hindi nakikinig ang mga sangkot sa droga.
At ang nakakikilabot pa, halos bawat sulok, haligi at upuan ng mga simbahan ay may nakapaskil na “Huwag mag-iwan ng iyong gamit sa upuan”, “mag-ingat sa mga mandurukot” at iba pa.
Alam ba ninyo na marami sa mga magnanakaw at mandurukot sa loob ng simbahan ay sangkot din sa droga at pati ang mga collection box ng mga simbahan ay pinakikialaman ng mga sangkot sa droga?
KWENTO AT PAGPAPATAWAD
Isa akong Katoliko sa totoo lang at sa aking pagsisimba, nakaririnig tayo ng mga totoong tsismis na may mga druglord na malakihan kung magbigay ng donasyon sa simbahan sa mga oras ng piyesta at iba pang paokasyon ng mga simbahan.
At ikinanginginig ng aking tuhod sa pagdarasal na malamang ilan pala sa mga may malalaking santo para sa mga prusisyon ay sangkot sa droga sa iba’t ibang paraan.
May alaga ng mga malalaking santo, malakihan pa kung magdonasyon sa simbahan?
Dahil dito, natutukso ako kung minsan na magtanong ng ganito, “Ito ba ang isang malaking dahilan kung bakit dapat na pairalin ang “pagpapatawad” sa mga nagkakasala sa droga?”
At ito rin ba ang dahilan upang sabihin nating “Huwag kang magnakaw ng…buhay” na patungkol sa mga pulis?”
Tanong pa: “Kung nag-order ba ng pagpatay ang mga druglord at narco-politician sa mga hindi nakababayad sa kanila sa droga o sa mga huwes at abogado na aktibo laban sa droga o kung nangreyp at pumatay ang mga adik sa droga, nandiyan pa rin ba ang pagpapatawad at pag-unawa?”
Sana mali ang aking pagtatanong!
oOo
Anomang reklamo o puna, mangyaring i-text lamang po sa 09228403333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
