ANG matagal nang pangarap, sa wakas, ay nakamit din ng pulisya ng Lungsod ng Malabon dahil kamakailan – ito’y lubos nang naisakatuparan.
Matapos ang ilang dekadang paghihintay, noong Setyembre 28 ay binuksan ang bago at magarang 2-storey Malabon police headquarters.
Pangunahing pandangal si Mayor Lenlen Oreta, P/Director Jose Ma. Victor Ramos at Metro Manila police chief Oscar Albayalde.
At kung may iba pang dapat ding purihin sa pagkakaroon ng lungsod ng bagong police HQ, ito’y walang iba kundi si retired S/Supt. Severino P. Abad, Jr.
Sa kanyang speech, pinasalamatan ni Gen. Ramos si Mayor Oreta sa tulong na naging daan para sa pagtatayo ng new Malabon police HQ.
Ang 1,000 sq. meters na kinatatayuan ng bagong HQ ay donasyon ng pamahalaang lungsod para maisakatuparan ang pagtatayo ng naturang gusali.
Nag-donate rin si Mayor Oreta ng tatlong brand new Toyota pick-up at ilang kagamitan para magamit ng pulisya ng Malabon.
Pinuri rin ni Gen. Ramos si Col. Abad na dahil sa kanyang inisyatibo ay nagkaroon ngayon ng bagong headquarters ang Malabon police.
Sa panahon ni Col. Abad sinimulan ang pagplaplano hanggang magretiro ito noong Mayo 2016 at ipinagpatuloy ito ni S/Supt. John Chua.
Sana, ang bago at magarang police HQ na ito ay magsilbing inspirasyon sa mahigit 600 pulis ng lungsod para lalong mapaigi ang kanilang trabaho.
MADUPANG ANG TAO NI MAYOR
Sino itong chief of staff ng mayor ng isang malaking lungsod sa Metro Manila na kung umasta ay tila hindi natatakot kay Pangulong Duterte?
Sa tindi raw kasi ng ginagawang katiwalian, pakiwari ng mga kapwa department head ay wa-epek ang babala ni PDU30 sa mga korap sa pamahalaan.
Gamit ang pangalan ng kanyang among mayor, pwersahan ang panghihingi ng chief of staff na tawagin na lang nating si ‘Waldas’ sa mga kapwa hepe.
Kumbaga, siya pa umano ang nagtuturo sa mga department head ng mga project na dapat nilang ihokus-pukos para pagkakitaan.
Pati raw sa mga bidding o pasubasta ng mga procurement, si ‘Waldas’ ang humaharap sa contractors at ang gusto ay laging may overprice para sa kanya.
Titiktikan natin ang kilos ni ‘Waldas.’
Game na! CHOKEPOINT/BONG PADUA

