PIRMA na lang ni Pangulong Digong ang kailangan upang tuluyan nang ipagpaliban muli ang halalan para sa barangay sa buong bansa.
Pasado na sa Kongreso ang panukalang batas na magpapaliban sa Barangay Elections subalit tila may pumipigil kay Lolo Digong na lagdaan ito upang maging isang ganap nang batas.
Kaya habang nanghuhula pa ang taumbayan sa kapalaran ng isyung ito ay patuloy naman kahit papaano ang Commission on Elections (COMELEC) sa paghahanda nito sa halalan na nakatakda sa Oktubre 23.
Ipinatupad na rin ang tinatawag na Election Gun Ban at iba pang ipinagbabawal na gawin tuwing panahon ng halalan gaya ng tinatawag na ‘hiring, firing and transferring’ ng mga tao sa gobyerno.
Medyo inalat nga lang yung dating tserman na sinibak ni Lolo Digong dahil wala pang election ban noong inilabas ang kautusan na naglagay ng bagong tao sa kanyang trono kaya ngayon ay pasyal-pasyal muna ang mokong.
Sa lahat naman ng lokal na pamahalaan ay umaantabay din sa halalan na ito lalo na ang tanggapan ng mga tesurero dahil sa kanila nakaatang ang lahat ng election paraphernalias kabilang na ang Ballot Boxes.
Tiyak na gagahulin ang marami sakaling matuloy ang halalan dahil mas mahirap ang trabaho sa paghahanda pagdating sa Barangay Elections na itinuturing na pinaka-mainit at magulong eleksyon.
Sa palagay ko’y dapat bumalik tayo kung saan nagsimula ang lahat patungkol sa pagpapaliban ng eleksiyon sa barangay. Balikan natin ang mga pahayag mula mismo kay Lolo Digong.
Ilang ulit inihahayag noon pa man ni Lolo Digong na ayaw niya muna ng Barangay Elections dahil sa usapin ng iligal na droga kung saan marami raw sa mga opisyal ng barangay ang nakasawsaw.
May pondo rin [daw] mula sa iligal na droga para sa mga alaga nitong opisyal ng barangay na kanilang kasabwat. Malalim ang mga naging pahayag ni Lolo Digong patungkol sa pagkakasangkot ng mga opisyal ng barangay.
Kaya sa tingin ko’y lalagdaan din ng ating Pangulo ang panukalang batas mula sa Kongreso upang ipagpaliban muli ang Barangay Elections dahil ang totoo’y ayaw ng ating Pangulo.
Iyon nga lang…mananatili sa kanilang puwesto sa barangay ang mga opisyal na sangkot sa iligal na droga. Nariyan pa rin sila subalit batid naman natin na ilang opisyal na ng barangay ang tinagis ng administrasyong Duterte dahil sa iligal na droga.
Kung ayaw ng halalan ng Pangulo sa barangay dahil sa iligal na droga ay puwede na ba natin sabihin na ayaw din ni Lolo Digong ang tinatawag na ‘mid-term elections’ sa taong 2019?
***
Para sa komento o suhestiyon: eksperto71@gmail.com. EKSPERTO/JOIE O. SINOCRUZ, Ph.D.
