HINDI maitatanggi na maganda ang samahan nina Quezon City Mayor Herbert Bautista at Quezon City Police District director C/Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar dahilan upang sila ay magtulungan upang mapagtagumpayan ang kapayapaan at kaayusan sa kanilang nasasakupan.
Dahil nakikita ni Mayor Bautista na hindi pinababayaan at sa halip ay pinagsusumikapan ni Gen. Eleazar na maging maayos at matahimik ang lungsod Quezon, naging maagap ang una sa pagbibigay suporta sa pulisya sa pangangailangan sa kagamitang panlaban sa krimen.
Noong Miyerkules, ibinigay ni Mayor Bistek ang 150 bagong Yamaha patrol motorcycles at 485 bullet proof vests sa QCPD sa Camp Karingal na kaagad namang ipinamahagi sa 12 istasyon, District Public Safety Battalion (DPSB), District Intelligence Division (DID), District Traffic Enforcement Unit (DTEU) at Quezon City Hall Police Assistance Center.
Para sa alkalde, ang kanyang pagbibigay ng tulong sa pulisya sa paglaban sa krimen ay dahil na rin sa ipinakita ng mga ito na pagmamalasakit sa lungsod.
Kaya nga, sabi pa ng “Ama ng lungsod Quezon,” ang kanyang ibinigay na suporta ay bahagi ng kanyang 2017 procurement program sa ilalim ng kanyang administrasyon kasama na rito ang pagpapalakas ng QCPD Cyber-Crime Office at Command and Control Center na bibiyayaan sa darating na Nobyembre ng nasa 250 CCTV cameras kasama na ang para sa Disaster Risk Reduction and Management Building.
Naniniwala si Mayor Bautista na inaasahan ng mga mamamayan ng lungsod Quezon ang serbisyo ng gobyerno at pulisya hindi lang sa laban sa bawal na gamot at terorismo kundi kailangan din nila ang proteksyon at tulong sa panahon ng kalamidad.
Sana, ang lahat ng alkalde at chief of police sa Metro Manila ay katulad ng samahan nina Mayor Bistek at Guilor na nagtutulungan para mapagserbisyuhan at mapaglingkuran ang mga mamamayan.
Kaya naman pagkabigay na pagkabigay sa mga istasyon ng pulisya ng mga motorsiklo ay kaagad na nagsanay ang mga pulis sa pagpapatakbo nito.
Tutal, nagtutulungan na rin lang naman ang QC government at QCPD, magbigay na rin sana ng training sa pagsakay sa motorsiklo para hindi naman pagsanayan lang ng mga bagitong pulis na noon pa lang nag-aaral sumakay sa motorsiklo ang bagong bagong donasyon ng administrasyon ni Mayor Bistek. PAKUROT/LEA BOTONES