TULUYAN nang nilisan ni dating Commission on Elections (COMELEC) chairman Andy Bautista ang kanyang trono matapos tanggapin ni Pangulong Digong ang kanyang pagbibitiw.
Nagmatigas pa [raw] noong una kaya napukol ng iskandalo gamit ang kanyang misis hanggang sa umandar ang reklamong impeachment laban sa kanya sa Kamara pero ngayon ay sinasabing ‘moot and academic’ na ito.
Ibig-sabihin, wala nang saysay pang ituloy ang proseso ng pagpapatalsik kay Bautista sa kanyang trono sa COMELEC dahil namaalam na ito. Gusto pa nga sana ay sa huling araw ng taon na ito pero pinaaga na ni Pangulong Digong.
Pssstttt… mayroong reklamo laban kay Senador Leila de Lima sa COMELEC. Si De Lima na kilalang kritiko ng administrasyong Duterte kaya sinasabing dahilan ito kaya nakakulong siya ngayon.
Siyempre naman, taumbayan! Kung paano itong Bautista ay nailuklok sa COMELEC dahil kaalyado ng Liberal Party ay ganoon din naman tiyak ang sistema sa pagpapalit ng COMELEC chairman – kaalyado ng administrasyong Duterte.
Sa ganito rin punto ay maari natin isipin ang reklamo naman ni dating Senador Bongbong Marcos laban sa kilalang Liberal Party na si Vice President Leni Robredo bagaman nasa Presidential Electoral Tribunal o PET ang reklamo.
Tandaan natin na ang bumubuo ng PET ay ang mga mahistrado ng Korte Suprema kung saan naman ito na, taumbayan… may reklamo rin impeachment laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Sa palagay ko’y alam na ninyo ang tinutumbok kong argumento sa mga kaganapan sa ating lipunan sa ilalim ng administrasyong Duterte. Hindi kailangan ng isang matalinong tao upang maunawaan ang mga nangyayaring ito.
Mahigit pa lang isang taon ang administrasyong ito. Mahaba pa ang panahon ng liderato ng Duterte kaya sa karkula ko’y matindi pa ang aabutin ng Liberal Party. Pasikip na ng pasikip at lalo pang sisikip ang buhay ng mga taga-partido ni PNoy.
Kailangan galingan ng Liberal Party sa mga susunod pang mga araw, buwan at taon dahil binansagan na itong kalaban ng administrasyong Duterte. Alam ng partido ni PNoy kung ano ang pwedeng mangyari dahil ginawa nila ito noong panahon nila.
***
Para sa komento o suhestyon: eksperto71@gmail.com. EKSPERTO/JOIE O. SINOCRUZ, Ph.D.