ANG buong Asya ay nagpakita ng pinakamabuting pag-asal sa nakalipas na pagdiriwang ng New Year’s Eve.
Nakagugulat na maging ang Pilipinas ay gumawa ng kakaiba at nagising sa unang araw ng taon nang walang naglalagay sa sarili sa alanganin — isang malaking pagbabago kumpara sa mga nakalipas na taon kung saan nakita ang dose-doseang tao na nasasawi sa pagsabog ng paputok o tama ng ligaw na bala.
Maging ang bilang ng mga sugatang nagsasaya ay bumaba sa taong ito sa 191 kumpara sa 630 napinsala sa magulong pagsalubong sa nagdaang taon.
Tiyak na malaki ang naitulong dito ng mahigpit na pagpapatupad ng bagong patakaran sa paggamit ng paputok at maagang operasyon ng kampanya ng kapulisan at sorpresang pag-iinspeksyon sa mga tindahan na nagbebenta ng pyrotechnics.
Habang walang paraan para tuluyang mapigilan ang tradisyon na makapagpasabog sa huling gabi ng taon, umaasa ang Firing Line na ang pinakabagong bilang ng mga napinsala ay sumalamin sa takbo ng unti-unting pagkawala ng interes sa paputok at mga baril sa mga Pinoy.
Isang pinaamo at pinabuting asal na Taon ng Aso kaya?
* * *
Bagaman mabuting malaman na walang nasawi sa mga paputok o ligaw na bala nang salubungin natin ang 2018, hindi natin matatalikuran ang katotohanan na 191 tao ang nasugatan sa pagsabog ng mga paputok mula Disyembre 21.
Sa hanay ng ipinagbabawal na paputok, Piccolo ang nananatiling nangungunang dahilan ng pagkasugat sa 94 na kaso. Kasunod nito ang kwitis na may 14 na kaso. Karamihan ng biktima ay nakaranas ng pinsala sa kamay.
Sa talaan ng National Capital Region Police Office ay 60% ng mga nasugatan sa paputok sa buong bansa o kabuuang 115 kaso ay mula sa Metro Manila. Nasusundan ito ng Western Visayas na may 15 kaso; at Calabarzon, Central Luzon at Bicol – 13.
Nanguna ang Maynila sa bilang na 63 sa mga napinsala sa Metro Manila. Kasunod nito ang Quezon City – 14; Pasig City – 11 at Valenzuela – anim. Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, ang lahat ng kaso na naitala mula Disyembre 21, 2017 ang may pinakamalaking pagbaba sa bilang na 68% kaysa sa naitala nito noong nakalipas na taon.
* * *
Hindi maitatanggi ang katotohanan na ang gobyerno ang dapat pasalamatan dahil sa zero fatality na nangyari.
Gayunman, ang kampanya laban sa iligal na paputok ay hindi pa rin maituturing na malaking tagumpay habang may mga tao na naputulan ng braso o ilang daliri sa selebrasyon.
Nais malaman ng Firing Line kung paano nanatiling nangunguna ang Piccolo na may 94 na biktima? Maliwanag na hindi nasabat ng mga awtoridad ang mga imported na paputok na ipinupuslit tulad ng Piccolo. Nilawakan sana nila ang pagbabantay at sinilip ang lahat ng anggulo sa kampanya.
Habang ang mga imported na paputok ay napasasakamay ng mga tao at ang mga pinsala ay nagpapatuloy, ang tagumpay ng kampanya laban sa paputok ay maituturing na bahagya lamang.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.
