MULI nating silipin ang iligal na sugalan na drop balls at iba pa ng nagpapakilalang Eng. Flores sa Public Market ng Brgy. Poblacion, Mangaldan Pangasinan. Ayon sa ating source, patuloy pa rin ang operasyon nito sa kabila ng ilang beses na nating kinalampag si COP Supt. Jeff Fanged. Wala pa rin aksyon ang mamang pulis.
Ang pinagtatakhan ko lang kay kernel, sa kabila ng ilang beses na nating niyuyugyog ang tanggapan niya sa magdamag na operasyon ng mga sugalan ni Flores ay hindi man lang natinag ang pwesto pijo na drop ball at color game nito.
Ang matindi pa rito ay tatawa-tawa lang daw ang mga pulisan sa mga binabanat sa kanila. Sa halip na kumilos para hulihin ay pawang nagtataingang-kawali lamang ang mga ulol na pulis sa takot na baka magalit ang kanilang C.O. kapag hinuli nila ang sugalan.
Bukod sa sugalan ay front din daw ng illegal selling of drugs ang pwesto na kung saan nakalatag ang mga sugalan ni Flores kaya magdamag kung magsugal ang mga sugarol.
Madali lang namang makita ang sugalan ni Flores sa Brgy. Poblacion dahil ilang metro lang ang layo nito mula sa munisipyo at abot tanaw lang ng istasyon ng pulisya ang sugalan. Basta may nakita kayo na pinagkakakulumpunan ng mga tao sa Public Market ay doon ‘yung puwesto ng drop ball, color game at iba pang sugal ni Engineer Flores.
Ewan ko lang kung nakikita ni Supt. Fanged at ng mga kapulisan nito ang mga pasugalan na ito gayung “walking distance” lang ang layo nito mula sa istasyon ng pulisya.
Siguro nakikita naman nila pero nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan lang ang mga ito dahil sayang nga naman ang biyayang ibinibigay ng mga pasugalan na ito. Pandagdag sa mga bisyo at luho nga naman ng mga lespu sa Mangaldan-PNP.
Paging, PNP chief Gen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa, pakiimbestigahan ninyo kung bakit hindi ipinahuhuli ni Supt. Fanged ang pasugalan ni Flores. Baka nakatimbre ang opisyal na ‘yan. Hindi ba ang pangit?
SI MAYOR AT VK NI JOVAN
Sa Biñan, Laguna, ang nagpapatakbo ng sangkaterbang video-karera riyan ay itong operator na si alyas Jovan na ang balita, eh, malakas daw kay Biñan Mayor Arman Dimaguila na dating vice-mayor lamang. Pero ewan ko lang kung talagang malakas si Jovan.
Mayorrrr, baka hindi mo alam na ang mga VK na ito ang ugat ng hindi maubos-ubos na mga nagbebenta ng mga iligal na droga sa bayan mo! JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA
