MAGANDANG balita lalo na para sa mahihirap nating kababayan ang inaasahang pagpasok ng ikatlong telecommunications company na siyang babasag sa tinatawag na “duopoly” o kambal na monopolyo ng Globe at PLDT.
Gaya ng naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte, hindi na dapat patagalin pa ang pagpasok ng bagong telco na inaasahang magpapaliksi sa industriya at magbibigay- raan sa mas mababang presyo ng text, call at data.
Dahil dito, inaasahang mas marami tayong mahihirap na kababayan ang makabibili na ng mas murang cellphone.
Inaasahan kasi natin ang mas magagandang promo na iaalok sa publiko.
Kung ngayon napapamura ka sa taas ng ginagastos mo sa load at data, darating ang panahon na serbisyo na lang nila ang magmumura.
Mura, as in abot-kaya ang halaga, ok?
Sa kasalukuyan, ako mismo mga kalahi ay “nadi-disconnect” na kapag umuuwi ako sa aming probinsya.
Mantakin ninyo sa aming malayong barrio, wala kang signal at mas lalong wala kang data.
Kung magkaroon man, puputi na ang mata mo sa kahihintay sa mga inaasahang text message at email bago makarating ito.
Halos walang silbi ang android phone mo at anuomang gadget mayroon ka kung napakabagal naman ng dating ng data at sa malamang masira ang araw mo at trabaho dahil dito.
Nauna nang ipinahayag ng Malakanyang ang napipintong pagpasok ng ikatlong telco mula sa bansang China.
Gumagalaw na ang Department of Information and Communications Technology (DICT), National Telecommunications Commission (NTC) at mga local government upang agarang maaprubahan ang operasyon ng kompanya. (ITUTULOY) DALA KO EGCO/JOEL SY-EGCO