ISANG linggo na lang eleksyon na! Homestretch na po ng kampanya. At kadalasa’y ito ang panahon na matindi ang mga nangyayari.
Lalo na para sa mga dehado na nagiging desperado. Daig pa ang praning na dilat ang mata. Dahil countdown na, “it’s now or never” ang mentality ng mga kandidato na naka-realize na tagilid sila at maaaring matalo.
Kaya para sa aming mga nasa propaganda o crisis PR, ito ang panahon na medyo alerto ang lahat sa kung ano ang pwedeng mangyari.
Nawa’y wala namang grabe na mangyari na below the belt.
Salamat sa Diyos at malapit nang matapos ang kampanya na tila maayos naman ang lahat.
Sa totoo lang, marami naman sa mga magkakatunggali sa puwesto ay mga magkakaibigan sa tunay na buhay. Sana lang ay wala namang nabitawan na salita o paratang na makasisira ng habambuhay na pinagsamahan.
Isang pakiusap ko lang sa mga nasa voting age … bumoto naman po tayo sa darating na halalan. Totoo na minsan ay nakatatamad lumabas ng bahay, pumunta sa presinto sa mga paaralan para lang makaboto. Lalo na kung walang kalaban o mahina ang kalaban.
Pero, huwag po nating sayangin ang karapatang ito.
Minsan kasi dahil sa kakaunti ang bumoto ay hindi ang tunay na nasa puso ng tao ang nananalo. Paano, ‘yung mga boto ng llamado ay nasasayang samantalang ang mga dehado ay pursigido sa pagboto.
Ang isa pang epekto ng hindi pagboto ng mga tao ay nababawasan din ang boto na dapat mapunta sa mga kapartido nito. Kaya minsan ay nakasisingit ang mga hindi karapat-dapat na pasaway dahil dito.
Kawawa tuloy ang mga nanalo pag nasingitan ng mga pasaway na hindi naman pumapasok pero ang lalakas kumontra at mangharang ng mga proyektong maganda ang idudulot sa karamihan.
Huwag naman sanang mangyari ‘yan sa atin. Kung kaya’t tulungan ninyo kami na kumbinsihin ang ibang tao na huwag sayangin ang kanilang boto. Ano ba naman ang sakripisyo ng ilang oras kung ikukumpara sa tatlong taon na bangungot?