NAKARARANAS na ng gutom ang maraming tsuper ng mga jeepney dahil sa hindi pagbiyahe ng kanilang mga sasakyan sanhi ng programang modernisasyon.
May mga kakilala tayo na mga tsuper na kung kani-kanino na lang nangungutang.
Ngunit dumarami rin ang tumatangging magpautang sa kanila, maging ang mga sari-sari store na nauutangan nila ng mga sardinas, bigas, gamot at iba pa.
May mga buntis ang mga asawa at maging ang mga ito ay nakaranas din ng gutom.
May mga pinatitigil na ang mga anak sa pagpasok sa eskwela sa kawalan ng panggastos.
‘Yung iba, gustong magtrabaho ng iba ngunit hindi kaagad mayroong open na trabaho sa kanila.
Ang iba naman, kinukumpiskahan ng mga lisensya pero wala nang pantubos.
Dahil madalang na mayroon silang mailabas na mga jeepney. Hindi maintindihan ng mga tsuper kung ano ang ibig sabihin ng tatlong taon na palugit para makapagpabago ang mga operator ng kanilang mga jeepney.
Hindi umano nakikita ito na inilalapat ng mga taga-Land Transportation Office at taga-Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
Napakarami umanong hinahanap ng mga ito na pagbabago sa jeepney ngayon at tila nagpaso na ang tatlong taon na palugit.
Maging ang mga operator-driver ay gutom na rin ang inaabot. May namumuong galit na ngayon ng marami sa mga ito.
Dumarami na ang naghahasa ng itak, kumbaga sa mga galit na matatanda sa mga nang-aapi sa kanila.
Kung ano ang aabutin ng sitwasyon ay walang nakaaalam.
Pero nakatatakot isiping balang araw ay unti-unting babaha ng dugo ang mga lansangan.
Hindi lang salamin ng mga bus ang mababasag. ‘Yun bang mga bus na gustong ilatag ng LTFRB at LTO na pamalit sa mga jeepney para magsakay sa tambak na pasahero ng mga jeepney.
Maganda sigurong ayusin ng LTO-LTFRB ang ibig sabihin ng palugit upang maintindihan ng mga tsuper at operator.
Maaaring sabihin na ito ang panahon na unti-unting mapundar ang lahat ng requirement para sa modernisasyon ng mga maliliit na operator.
Ito’y dahil maliit lang naman talaga ang kita sa boundary at take home pay ng mga tsuper.
O paano, LTO-LTFRB? PAKUROT/LEA BOTONES
