NAGSISIPAG ngayon si Environment Sec. Roy Cimatu makaraang batikusin nang batikusin at ipalinis ni Pangulong Rodrigo Duterte ang napakaruming Boracay Island.
Sa kasalukuyan, inaalam na nang mabuti ng Department of Environment and Natural Resources ang 300 estabilisimyento kung maayos ang tapunan ng mga ito ng kanilang mga basura o hindi.
Ayon kay Cimatu, binalaan na ng DENR ang 51 establisimyento na ayusin ang sistema nila sa pagtatapon ng basura dahil ipasasara sila sa loob ng dalawang buwan, alinsunod sa palugit na inilatag ni Duterte, kung hindi nila maaayos ang sistema sa pagtatapon ng basura.
Kung tutuusin, dapat ding umaksyon ang DENR sa Metro Manila, Manila Bay, Pasig River, sapagkat napakarumi na ng mga lugar na ito, ayon sa EcoWaste Coalition.
Hindi lang ang pag-aaral ng EcoWaste, kundi pag-aaral din ng DENR at Metropolitan Manila Development Authority ang nagsasabi at nagpapatunay na napakarumi ng Metro Manila (lalo na ang Maynila), Manila Bay at Pasig River.
Kaya, sana batikusin din nang batikusin ni Duterte ang mga lugar na ito upang kumilos ang DENR at MMDA at mga pamahalaang lokal sa Metro Manila laban sa basura.
Kumbinsido ako na kailangang gawin ito ni Duterte upang kumilos agad ang DENR, MMDA at iba pa.
Ang problema kasi sa mga opisyal ng DENR, MMDA, at maging ng labimpitong pamahalaang lokal ng National Capital Region ay kundi man makupad, natutulog sa pansitan.
Hindi sila kumikilos laban sa basura. Kaya, kailangan talagang si Duterte ang magsalita.
Ayaw kasi ni Duterte ng maruming kapaligiran. Kaya, binalaan niya ang Boracay Island na ipasasara niya ang binansagan niyang “cesspool” kapag hindi ito nalinis matapos ang dalawang buwang palugit.
MALAPITAN GOV’T TUMULONG SA ALBAY
“WALANG ibang magdadamayan, kundi tayong magkakapatid na Filipino sa pamamagitan ng natatangi nating kagandahang-asal – ang bayanihan.”
Ang paniniwalang ito ang nag-udyok at naggabay kay Mayor Oscar “Oca” Malapitan na tumulong sa mga kababayan natin sa Albay na biktima ng walang tigil na pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.
Kaya, kamakalawa ay inatasan ni Malapitan ang Caloocan Disaster and Risk Reduction Management Office (CDRRMO) na tumulong sa relief operations sa Albay.
Dalawang trak na puno ng relief goods ang pinapunta ni Malapitan sa Albay, partikular sa bayan ng Malilipot at Lungsod ng Tabaco.
Pinangunahan ni Alex Nadurata, CDRRMO Oversight Committee head, ang misyon ng gobyernong Malapitan. BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA
