KUNG magsalita ang ilang Kano ay ganoon na lang, gaya ng US Intelligence Committee.
Ayon sa komiteng ito, ang mga salita ni Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa posibleng revolutionary government at national martial law ay banta umano sa demokrasya at karapatang pantao na makaaapekto maging sa rehiyong kinabibilangan ng Pilipinas sa Asya.
Ang totoo, higit na pinapaboran ni Pangulong Duterte ang demokratikong pamahalaan kaysa diktadurya at wala ring umiiral na martial law.
SAKSI ANG KASAYSAYAN
Kung seseryosohin lang ng sinoman ang pag-aaral sa kasaysayan sa diktadurya at revolutionary government sa Pilipinas at sa buong daigdig, tiyak na ang hintuturo lamang ng nasabing komite ang nakatutok sa pamahalaang Duterte.
Ang apat ay nakatutok sa nasabing komite.
Isang tanong: Anong bansa ang nagmando para magka-martial law sa Pinas noong panahon ni dating Pangulong Ferdie Marcos?
Isa pang tanong: Sino ang nagmando para magdeklara ng revolutionary government ang pamahalaang Corazon Aquino makaraan ang martial law?
Dagdag na tanong: Anong bansa ang nagtulak na mag-martial law nang halos sabay-sabay ang mga bansang Pinas, South Korea, South Vietnam, Indonesia, ilang bansa sa Latin Amerika gaya ng Chile, Argentina at iba pa noong 70’s?
MUKHANG BAYANI
At pagkatapos na mapakinabangan nila ang mga itinatag nilang diktador, saka pinalayas at binuwal ang mga ito dahil masasama umanong lider ang mga ito.
Violator pa umano ng human rights.
Sa pagtatag ng mga martial law at diktadurya at pag-aarmas sa mga ito laban sa mga rebelde laban sa mga dayuhan at laban sa mga diktador, bayani ang mga dayuhang ito at makaraang ibagsak ang mga diktadurya, sila pa rin ang mga bayani kuno ng mga mamamayan.
Tagapagligtas sila ng mga mamamayan mula sa mga diktador na inarmasan nila para abusuhin ang human rights?
Heto nga at may 10 libo hanggang 75,000 Pinoy ang nagke-claim na inabuso sila ng diktadurya na itinayo ng mga nagmamahal kuno ng demokrasya.
Kamon, US Intelligence Committee.
MATATAG NA PANGULO
Bilang bahagi ng buhay natin na mediamen, bukas tayo sa mga talakayan sa kasaysayan at pagtilad-tilad ng mga pangyayari upang lalabas ang katotohanan o kasinungalingan, kabilang na ang katotohanan o kasinungalingan ng pinagsasabi ng nasabing komite.
Klaro na minamaneho ni Pangulong Digong ang bansa upang maging independent at malayang bansa mula sa kuko ng mga dayuhan ang mahal kong Pinas.
Kung dati-rati, eh, ang mga Pangulo ng Pinas ay puro bow nang bow sa kagustuhan ng mga dayuhan na “mapagmahal sa demokrasya” pero nagtatag ng diktadurya para sa kanilang mga pansariling interes, iba na ngayon ang sitwasyon.
Bilang bahagi ng pagsusulong independensya at malayang bansa, nakikipagkaibigan ngayon ang Pilipinas sa mga bansang Tsina at Russia na itinuturing na mortal na mga kaaway ng mga Kano at ang mga bumubuo ng nasabing komite.
INTERES SA NEGOSYO
Hindi man sinasabi, ang totoo, kapag nagtayo ang China at Russia ng mga negosyo sa mahal kong Pinas, magiging kakompetensya ang mga ito ng mga naglalakihang negosyo ng mga Kano sa bansa.
Dito lang sa pagtatayo ng mga imprastraktura, pumapapel na ang Tsina at marami nang malalaking proyekto ang binabak-apan nito gaya ng tren na itatayo sa Mindanao at Northrail na naunsyami ngunit ipagpapatuloy na sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Naririyan din ang posibleng partisipasyon ng Tsina sa mga power project na hanggang ngayon ay pinaghaharian ng mga Kano gaya ng Malampaya natural gas.
Maaaring magkaroon ng joint exploration sa mga minahan ng langis sa pagitan ng Tsina at Russsia at Pilipinas at hindi na nila masosolo at mamomonopolyo ang industriya gaya nga ng Malampaya natural gas.
Maaaring papasok din ang Tsina sa komunikasyon na karaniwang kontrolado rin ng mga Kano.
Ang Russia naman ay kasalukuyang kinakausap ng pamahalaan na magtayo ng mga pagawaan sa bansa.
Kung maging full blast o todo ang pag-andar ng mga negosyong ito at paggawa ng mga imprastraktura, hihina ang pagkakitaan ng mga Kano.
Mababawasan ang demokrasya nila o sobra-sobrang kalayaan na kumontrol sa pamahalaan natin at sa ating ekonomiya.
GAYA NG KANO
Kung paano minamahal ng mga Kano ang sarili nilang bansa, ganito rin ang pagmamahal ng lider ngayon ng Pinas sa Pilipinas.
At ang pagmamahal sa bansa ay hindi pagpapakatuta sa mga makapangyarihang dayuhan.
Sa halip, ito’y nakikita sa pagprotekta ng interes ng sambayanan laban sa interes ng mga dayuhan.
Ito ba’y banta sa demokrasya at karapatang-pantao?
oOo
Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring iparating sa 09228403333 o i-email sa bantiporda@yahoo.com. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA