NAGPAPATUNAY na may seryosong banta sa seguridad ng bansa itong dalawa pang kaganapan sa nakaraang mga araw: Ang pagkakaaresto sa Maynila ng isang natukoy na recruiter ng Islamic State in Iran and Syria at itong pagkaka-ambush sa mga tropa ng Special Action Force sa Antipolo, Rizal.
Hindi ito ang unang pagkakataon na may nasukol na miyembro ng teroristang grupo at hindi na rin mabilang ang insidente ng pananambang ng New People’s Army sa mga tropa ng pulis at sundalo.
Itong recruiter ng ISIS, ang Egyptian national na si Fehmi Lassqued, ay nakapaglabas-masok na sa bansa bago nabisto na aktibong nangangalap ng mga Filipino na maging miyembro ng teroristang grupo.
Ang demonyong ito ay naaresto ng mga operatiba ng military at Philippine National Police sa Adriatico St., Malate, Maynila.
Mapapansin ding napakalapit din ng pinangyarihan ng NPA ambush sa SAF sa Sitio San Jose, Barangay San Jose, Antipolo City, bukana ng Sierra Madre na ilang oras lang mula sa Kamaynilaan.
Bagama’t humina ang puwersa ng communist guerrillas, nananatili silang nagbabanta bilang terorista, ayon sa Armed Forces of the Philippines.
May masamang posibilidad na dahil sa desperasyon ng mga teroristang grupo tulad ng ISIS, Abu Sayyaf Group, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at ang komunistang CPP-NPA ay targetin nila ang publiko.
Maaari nilang gawin iyan para makakuha ng atensyon at ma-stabilize ang gobyernong Duterte na nananatiling popular sa masang Filipino.
Mayroon pa ring clear and present danger laban sa seguridad ng sambayanan.
Bagama’t buo ang ating pagtitiwala sa AFP na kontrolado nila ang sitwasyon, dapat pa rin na maging mapagbantay ang publiko at makipagtulungan sa mga kinauukulan para matukoy ang anomang banta ng terorismo sa komunidad. DEADSHOT/ERWIN TULFO

