NATUWA ang lahat sa pagkakaaresto ng mag-asawang suspek sa pagpatay at paglalagay sa freezer kay Joana Demafelis sa isang apartment sa Kuwait.
Naaresto sa Lebanon ng International Police ang mister na si Nader Essam Assaf samantalang sa kanyang bansa rin naaresto ang misis na si Mona Hassoun.
Magkagayunman, maaaring hindi madali ang pagkamit ng hustisya para kay Demafelis.
BIYAHENG KUWAIT?
Walang nakatitiyak na basta na lang papayagan ng mga bansang Lebanon at Syria ang kanilang mga mamamayan na sumalang sa paglilitis sa ibang bansa.
Kabilang sa mga problema rito ang pagkakaroon o kawalan ng extradition treaty ng Kuwait at Lebanon at Kuwait at Syria.
Kung may extradition treaty, kapag nakagawa ka ng krimen sa ibang bansa, pupwede kang dalhin sa bansang pinaggawan mo ng krimen upang doon ka litisin.
Paano kung wala?
Eh, gaya ng ginagawa natin sa sarili nating mga kababayan na nakauwi ngunit inaakusahan ng krimen sa ibang bansa, hindi basta-basta pumayag tayong kunin ng ibang bansa o ipadala natin ang sarili nating mamamayan sa pinangyarihan ng krimen upang panagutin doon.
UMAMIN?
Ayon sa mga ulat, umamin na umano si Assaf na siya ang naglagay kay Demafelis sa freezer.
Paano kung sa mga oras ng paglilitis ay biglang kumambiyo ito at sasabihing inosente siya sa krimen?
Paano kung umiiral sa Kuwait ang batas sa mahal kong Pinas na itinuturing na inosente ang isang akusado hangga’t hindi napatutunayang nagkasala sa paglilitis?
Paano kung walang lalabas na testigo o iba pang ebidensya na ang mag-asawa nga ang may kagagawan sa pagpatay kay Demafelis?
At ito ang magiging depensa ng mga akusado.
Malinaw na problema ito dahil isang taon na palang patay at nakalagay sa freezer ngunit walang nakaalam sa nangyari sa kanya.
Ang tanging nalaman sa simula ay ang pag-uulat mismo ni Assaf sa mga awtoridad na nawawala ang kanyang kasambahay na si Demafelis.
BATAS NG MUSLIM
Karaniwang kamatayan ang parusa sa mga may krimeng ganito sa mga bansang Muslim.
Sa Kuwait, karaniwang bitay sa lubid ang parusa.
Nangyari na ito kay Jakatia Mandon Pawa, isang Pinay na 42-anyos na napatunayan noong 2008 na pumatay sa anak ng kanyang employer.
Bukod sa pagbitay, maaaring magbayad pa ng danyos ang binitay.
Pero mayroon ding pagbabayad ng salapi lamang bilang parusa at makaiiwas ang akusado sa bitay.
Mayroon ding pinatatawad ng pamilya ng biktima kung hihingi ng kapatawaran ang akusado kaya walang bitay at bagkus, danyos na lang ang hinihiling.
Kung alin ang paiiralin dito, walang nakatitiyak.
ALOK SA MGA DEMAFELIS
Sakaling maipit ang mga suspek sa pagliltis at lahat ng mga makakalap na ebidensya ay magtuturo sa kanila na sila nga ang mga may kagagawan sa krimen, hindi imposibleng mag-alok ang mga ito ng mga bagay-bagay para lang hindi sila mabitay.
Sakaling papayagan sila ng hukuman at Amir o pinuno ng Kuwait na mag-alok ng mga bagay bilang kapalit ng parusang bitay, ano naman kaya ang isasagot ng mga Demafelis?
Kasi, kung tatanungin si Pangulong Rodrigo Duterte, gaya ng lagi niyang sinasabi, rerespetuhin ng Pilipinas ang anomang umiiral na batas ng isang bansa.
Sakaling hihingi ng patawad ang mag-asawang Lebanese at Syrian at mag-alok ng karampatang halaga para hindi sila mabitay, ano nga ba ang pupwedeng gawin ng mga Demafelis?
Tatandaang ilang beses nang naganap ito maging sa mga overseas Filipino worker na napatunayang nagkasala sa mga Arabong bansa na may parusang bitay.
At mismong pamahalaan ng Pilipinas pa ang gumagawa ng paraan para makaipon ng salapi ang mga akusadong Pinoy upang makalaya lamang ang mga ito sa mga parusang bitay na iginawad sa kanila.
Pupwede bang humiling ang mga Demafelis ng magkasamang danyos at bitay at papayagan ba ito ng pamahalaang Kuwait?
TAMANG ADVISE
Ang pamahalaan, bilang tumatayong ama sa lahat ng mga mamamayang Filipino sa hirap at ginhawa, ang makapagbibigay ng pinakaakmang advise o payo sa mga Demafelis.
Ang pamahalaan kasi ang ultimong may kapangyarihan na kumalap ng lahat ng batas na akma sa kaso at ikabubuti ng mga mamamayan.
Magkagayunman, maaaring mag-bow ito sa kagustuhan ng mga Demafelis sakali namang hindi labag sa batas ang kagustuhan ng mga ito.
‘Yung bang ==== hindi labag sa batas ng Pilipinas at batas sa Kuwait ang kanilang magiging desisyon.
Pero pupwede ring pangungunahan ng pamahalaang Pilipinas ang pagdedesisyon sa harap ng kagustuhan nitong hindi dapat na tratuhing alipin at hayop ang mga inosenteng mamamayang Filipino kahit saang sulok ng mundo sila matatagpuan at gagawing aral o leksyon ang kaso ni Demafelis.
oOo
Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring iparating sa 09228403333 o i-email sa bantiporda@yahoo.com. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

