KAILAN pa naging balita ang maling balita? Sadsad na ba talaga ang kalidad ng media sa Pinas?
Nakalulungkot isipin kung gaano ka gullible o madaling paniwalain ang ilang mamamahayag.
Copy paste na lang. Gaya rito. Kopya roon.
Halimbawa na lamang ang maling balita ng isang premyadong news agency ng CIA, este, ng Amerika pala, ang CNN kung saan sinabi nitong isa raw security threat sa rehiyon ng Asia si Pangulong Rodrigo Duterte!
Hay! Nako! Hindi pa man uso ang fake news meron ng KURYENTE noon pa man!
At ang balitang ito ng CNN na nilunok naman ng buo ng ilang commercial private media sa bansa ang isang napakalaking kasinungalingan. Sensationalized, wika nga.
Bakit ko po nasabi?
Mayroon po akong kopya ng Global Threat Assessment na pinagbatayan ng mga maling report.
Wala ni isang kataga roon na nagsasabing threat o banta si PRRD sa seguridad ng rehiyon. Ang malinaw na sinabi ay ipagpapatuloy ni PRRD ang war on drugs.
Tamang nabanggit ang sinabi niyang Martial Law ngunit ito ay sa konteksto ng paglaganap ng ISIS.
Tila sinadyang alisin ang ISIS sa konteksto para magmukang pasista ang Pangulo.
Uulitin ko po. Walang katotohanan ang report na ito.
Bilang patunay, nilinaw na ito sa isang pulong sa pagitan ni Executive Secretary Salvador Medialdea at US Ambassador to the Philippines Sung Kim kamakailan.
Itinanggi ng US official ang mali at malisyosong balita. Kung banta man ang Pangulo, ito ay sa damuhong pusher, adik, magnanakaw, abusado at mga kriminal na Pinoy.
Ang mithiin ng Pangulo ay malinaw: Isang magandang buhay para sa lahat ng Filipino ngayon at sa mga susunod na henerasyon.
Sana nga lang, maging kaagapay ng mamamayan ang media natin kung hindi man sila makaagapay sa ating Pangulo.
Social responsibility po natin ‘yan. Na tiyaking tumpak, totoo at hindi kuryente ang dinadampot na balita.
Huwag maging tamad at pabaya.
Kaya hindi na ako gaano nakikinig at nagbabasa ng mga balita dahil pakiramdam ko nabobobo ako.
Lubayan na ang mga TRASH NEWS!
oOo
Para sa inyong sumbong, suhestiyon at opinyon, mag-email lamang sa jmsyegco@-malacanang.gov.ph. DALA KO EGCO/JOEL SY-EGCO