NAGKABANGGA ang Commando at Sigue-Sigue Sputnik sa City Jail ng Lungsod ng Quezon City nitong Linggo.
Pero, mabuti’t walang namatay o malubhang nasugatan, sapagkat mabilis na umaksyon ang pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology ng City Jail sa pamumuno ni Supt. Emerlito Moral at mga tauhan ng Quezon City Police District Police Station 10 sa ilalim naman ni Supt. Christian dela Cruz.
Ayon kay Moral, pinaimbestigahan na niya ang insidente upang tukuyin ang puno’t dulo ng away ng dalawang gang.
Tama ang ginawa ni Moral, sapagkat ito naman talaga ang dapat gawin upang magkaroon ng wasto at esaktong konklusyon at aksyon upang hindi na maulit ang naganap.
Hindi tama na kaagad maghuhusga ang sinoman sa BJMP hinggil sa pangyayari na batay lamang sa mga bulung-bulungan, inggit o galit kay Moral.
At lalong hindi tama ang basta magalit ang sinoman sa BJMP kung batay sa hula ang desisyon sa naganap sa City Jail ng Lungsod Quezon, sapagkat kongkretong kamangmangan at kakitiran ng isip kapag ganito magdesisyon hinggil sa naganap.
Hindi ako nagulat at nagtaka sa mabilis na pagpapatawag ni Moral ng imbestigasyon, sapagkat nangangahulugan lang na alam ni Moral ang kanyang ginagawa bilang warden ng city jail.
Ibig-sabihin, nag-iisip si Moral at hindi init o pagkabalisa sa pangyayari ang inuna – nagtapos kasi si Moral ng Master in Public Administration.
Habang nagaganap ang imbestigasyon, hindi ako magtataka kung naglalaro sa isip ni Moral na ang banggaan ng dalawang gang ay resulta lang ng repormang ginagawa niya.
Simula nang maging warden si Moral, marami nang pagbabago ang naganap sa Quezon City Jail – lalo na ang pagkawala ng droga. Wala nang iligal na droga at iba pang kontrabando na nakapapasok sa jail mula nang maging warden si Moral.
Alam ko na alam na alam ito ng pamunuan ng BJMP sa pangunguna ni Director Deograscias Tapayan. Hindi katulad ng ibang city jail sa Metro Manila, nakapapasok pa rin ang droga.
Balita ko, mayroon pa ngang warden na nagsa-shabu. Dapat, alamin ito ni Tapayan. Ang paglilinis ni Moral sa city jail ay bahagi ng pagbabagong ginagawa nina Pangulong Rodrigo Duterte, DILG OIC Eduardo Año at Tapayan.
Kaya, pinakatamang gawin ang suportahan si Moral. Kung tutuusin, dapat siyang pamarisan ng iba pang warden at ‘di pag-initan ng ulo at usigin sa krimeng hindi niya ginagawa.
PAGSASANAY UPANG HUMUSAY ANG SKILLS
MAGLULUNSAD ang administrasyon ni Mayor Oscar “Oca” Malapitan ng pagsasanay sa 50 out-of-school-youth na gustong magtrabaho sa call center industry.
Katuwang ng administrasyon ni Malapitan ang Technical Education Skills and Development Authority at Informatics College.
Ang layunin ng proyekto ay upang itaas ang “standard skills” ng 50 OSY.
Walang bayad ang proyekto ni Malapitan.
Kapag natapos ang pagsasanya art pag-aaral sa loob ng 18 araw ay bibigyan ng Contact Service Training NC II Cetificate ang 50 nagsipagtapos.
Kaya, malaking bagay ang proyekto ni Malapitan upang umangat ang kalidad ng 50 kabataang hangad maging eksperto sa industriya ng call center. BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA


