MAG-NUEVA ECIJA naman tayo, sa kaharian ni Nueva Ecija-PNP Provincial Director Supt. Eliseo Tanding. Kung magagawi kayo rito ay magugulantang kayo sa rami ng mga illegal na pasugalan.
Bukod sa operasyon ng jueteng, lotteng, video-karera, sakla at iba pa sa iba’t ibang bayan, sandamukal din ang mga peryahan na front ng mga sugal na drop ball, color game, roleta at iba pa na minamantine ng mga pasaway na operator.
Kabilang sa untouchables na nagpapasugal ng drop ball, color game at iba pa ay ang “Drop Ball Queen” na si Cathy na ang sentro ng mga pasugalan niya ay sa bayan ng Guimba.
Hindi magimba-gimba, este, magiba-giba ang puwesto pijo ni Cathy dahil bukod sa pampalubag-loob na ibinibigay niya sa kapulisan ay madali ring maakit sa kagandahan niya ang mga mahihilig na pulis sa chika babes.
Ewan ko lang kung isa kina PD Supt. Tanding at Guimba COP Supt. Gerald Licyayo ang humahanga sa kagandahan ni Cathy kaya kahit ilang beses nating banatan sila ay ‘no say’ ang mga ito.
Sa Cabanatuan City naman na area ni Supt. Ponciano Zafra, dalawa ang puwesto pijo ng mga pasugalang drop ball, color game, roleta at iba pa na ang nag-ooperate.
Nasa Crossing ang isa na pinatatakbo ni Nardo. Gabi-gabi at buong magdamag na dinudumog ng mga sugarol ang pasugalan niya dahil may balita ako na kalimitang ginagawang tambayan ang sugalan niya ng mga durugista (kaya naman pala alive na alive ang mga ito).
Nasa Sgt. Berong naman ang puwesto pijo na tatlong mesa ng drop ball. Mismo ang barangay kapitan na dapat na magkastigo sa pasugalan ang operator. Kilala mo ba siya, Kap. De Jesus?
Pero kung kikilos ang mga alagad ng batas sa lalawigan para paghuhulihin ang mga sugalan na kalimitan na tambayan ng mga durugista, natitiyak ko na mababawasan ang kriminalidad sa lalawigang ito.
REUNION BATCH 75-76 NG SAN MIGUEL HIGH
“Get Together as One” ang tema ng reunion ng San Miguel National High School, Batch 75-76 sa March 17, 2018, alas-11:00 ng umaga sa Batchy’s Lechon and Grill House, Camias, San Miguel, Bulacan.
Kaya para sa mga taga-Batch 75-76 ng San Miguel National High School, ang mga contact person ninyo ay sina Miles Bobis-0916-144-0620-0921-612-8663 at Lina Ocampo-0922-811-3083, Felix-0933-867-6390.
oOo
Anomang puna o reklamo i-text sa 09189274764, 09266719269 o i-email sa juandesabog @yahoo.com. JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA
