NAGING matagumpay ang proyektong “TABANG MAYON” na isinagawa sa Sitio Bical, Brgy. Salvacion, Sto. Domingo, Albay ngayong Pebrero para sa mga residenteng naging biktima ng pagsabog ng Bulkang Mayon.
Binubuo ng medical, surgical at relief operations ang Tabang Mayon na pinangunahan ng Hospital on Wheels (HOW) na pinamumunuan ni Dr. Jim Sanchez at August Vergara. Kasama ng HOW ang Salamat Dok ng ABS-CBN at Rotary Club of Malate Prime, Rotary International District 3810 sa pagtugon sa pangangailangan ng mga taga-Albay.
Ang surgical or operation ay isinagawa ni Dr. Jim Sanchez kasama ang iba pang surgeon habang ang medical mission ay pinangunahan ng Salamat Dok kasama ang iba’t ibang tanggapan ng Department of Health habang ang relief operation ay pinamunuan ng RC Malate Prime sa pangunguna ni Great President Lea Botones.
Umabot sa 250 pamilya ang nabiyayaan ng relief goods na kinalap ng RC Malate Prime mula sa mga miyembro nito at sa ilang pulis at sibilyan na kaibigan ni GP Lea Botones na columnist ng Remate, Ang Dyaryo ng Masa. Hindi lang bigas, de lata, noodles, kape, tinapay at tubig ang ipinamahagi ng RC Malate Prime kundi mga damit, gamot at bitamina na kinakailangan ng mga residenteng lumikas upang maiwasan ang peligro at disgrasya na kahaharaping bunga ng pagsabog at pag-agos ng kumukulong putik mula sa bunganga ng bulkan.
Kaya nga malaking pasasalamat ang nais ipaabot ng PAKUROT sa mga kaibigang hindi nagdalawang-isip na magbahagi ng kung anoman ang kanilang makakayanan.
Salamat kina Quezon City Police District director Chief Supt. Guillermo Eleazar, QCPD Special Operations Group chief Supt. Rogarth Campo, Galas Police Station Investigation chief Chief Insp Erwin Guevarra, Manila Police District Station 2 station commander Supt. Santiago Pascual, MPD Station 3 station commander Supt. Tomas Ibay, MPD Station 4 Supt. Aquino Olivar at SPO2 Rommel del Rosario.
Salamat din kina Rene Crisostomo, reporter ng Remate, Edd Gumban, chief photographer ng Pilipino Star Ngayon at Jonas Sulit, chief photographer ng Abante sa pagbabahagi nila ng kanilang nakayanan para maipadala sa mga biktima ng Mayon.
Maraming salamat din sa grupo ni Rtn Vivian Ocbian at PP Ronilda Reluya na sumalubong at gumabay sa RC Malate Prime sa pagtungo sa Sto Domingo mula Naga City.
Ang maliliit na bagay at kakayahan kapag pinagsama-sama at pinag-isa ay nagiging malaking tulong sa mga nangangailangan.
Maraming po salamat sa mga hindi nagkait ng tulong. PAKUROT/LEA BOTONES