SA tuwing sasapit ang Ash Wednesday na nagbubukas ng “Panahon ng Kuwaresma” ng Universal Catholic and Apostolic Church, kasabay ng paglalagay ng abo sa noo ng mananampalataya, ipinaaalala na tayong lahat ay nagmula sa alabok at sa ganoong uri ay magbabalik. Sa pagkamatay ng ating pisikal na katawan, kung hindi gagamitan ng proseso ng mummification, ang isang bangkay ay patungo sa pagkabulok. Pero maraming mga labi ng kinikilalang banal na magpasahanggang ngayon ay hindi naaagnas, na tinatawag bilang mga “incorruptible”.
Para sa Simbahan, indikasyon ito ng pagiging banal o presensiya ng kabanalan. Pero hindi ito isang awtomatikong pagtatalaga sa isang mananampalataya sa pagiging Servant of God, Venerable, Beatus (Beata) o canonized Saint. Masusing kinikilatis at pinag-aaralan ng mga eksperto sa loob ng Simbahan ang “supernatural occurrence” na ito bago siya maglabas ng opisyal na pahayag.
Ang kauna-unahang katawan ng Santong nadiskubreng incorrupt ay kay Saint Cecilia na pinaslang dahil sa kanyang pananampalataya kasama ng kanyang asawa at kapatid noong AD 177. Taong AD 822 nang mahanap ang kanyang labi sa pamamagitan ng panaginip ni Pope Pascal I at nakitang hindi nabubulok. Noong 1599 nang isasailalim sa exhumation ang kanyang bangkay, walang pagbabago sa katawan mula nang ilipat ito nang himlayan walong siglo ang nakararaan.
Isa sa mga pinaka-popular na incorrupt Saint ay si Saint Bernadette Soubirous na pinagpakitaan ni Mama Mary nang labingwalong beses simula 11 February 1858 sa Lourdes, France. Bagamat ang dalisay na tubig mula sa bukal ng Lourdes ay nagtala ng paggaling ng maraming karamdaman, si Saint Bernadette ay dinapuan ng iba’t ibang karamdaman gaya ng asthma, tuberculosis, tubercular tumor, at iba pa hanggang sa kanyang kamatayan noong 16 April 1879.
Tatlong beses na pinahintulutan ng Simbahan ang exhumation sa labi ni Saint Bernadette noong mga taong 1909, 1919 at 1925 at nakita ang parang natutulog lamang na bangkay ng Santa. Bagamat nilagyan ng “light wax mask” ang bahagi ng mukha na nagkaroon ng konting pangingitim dahil sa ginawang pagpaligo, sinabi ng isa sa mga doktor na sumuri dito na lubhang nakapagtataka na ang atay ni Saint Bernadette ay nanatiling buo at hindi nasira man lang sa loob ng 46 taon gayung isa ito sa mga agarang naaagnas sa katawan ng tao dahil sa malambot na komposisyon nito.
Ilan pa sa mga kinikilalang incorruptible Saints ay kina Saint Padre Pio, Saint Catherine of Genoa, St. Agnes of Montepulciano, Saint Catherine Laboure, Saint John Vianney, Venerable Mother Maria of Jesus, Saint Silvan, at marami pang iba. Maliban sa hindi pagkabulok ng labi ng karamihan sa mga Santo at Santa, lubhang pinagtatakhan din ang paghalimuyak ng kakaibang bango mula sa katawan ng mga ito, o minsan ay langis o nagdurugo. HILDA ONG
