MATAGAL na ang nangyayaring dayaan o gaguhan sa magagandang lugar natin sa bansa. Mahirap ang maging mahirap dahil wala kang kakayanan na pagandahin ang iyong lugar. Huling hataw, ibenta na lang?
Ganyan ang nangyari sa Boracay, El Nido, Palawan at marami pang iba. Ang masama, halos lahat ng nagmamay-ari ngayon ay puro dayuhan sa lugar na mayaman.
Sa tagal ng panahon, ngayon lang ito sinita nang totohanan sa liderato ni Pangulong RODRIGO ROA DUTERTE. Tinawag niya ang Boracay na isang “cess pool” o maruming lawa. Nagbanta siya na ipasasara ang Boracay at iba pang mga panturistang lugar. Tama lang!
Kung may dapat sisihin sa pagkasira ng ating Kalikasan, una na riyan ang mga korap at tiwaling tauhan-opisyal ng Department of Environment and Natural Resources. At dahil nagkabayaran na sa kanilang tanggapan, katiwalian, bayaran din ang ginagawa sa local government units. Pasado na kahit iligal!
Tang-ina, may batas din tayo na kung ano-ano lang ang pwedeng angkinin at lagyan ng titulo. Mga lote lang na pwedeng tayuan ng bahay at istruktura. Maski nga mga sakahang lupa ay bawal ibenta at ikonbert sa ibang gamit, eh.
Pero posible lahat na mangyari ang bawal dahil sa korapsyon! Hindi natin maisip kung papaano nabigyan ng titulo ang isang bundok at ginawang subdibisyon.
Ganyan din ang mga ilog at dalampasigan na inari lamang ng iilan! May iba pa bang dahilan, eh, bawal nga iyan?
Kaya tama lang ang gustong mangyari ni Pang. DUTERTE. Ipasara muna ang Boracay at isaayos para hindi lubusang mabalahura ng mga abusadong kapitalista.
Ganyan din ang dapat gawin sa marami pang dalampasigan na kinilala pa mandin sa buong mundo.
Hindi dapat pagtakhan na kung may dapat managot ay una na ang mga tauhan at opisyal ng DENR at LGU. Sila ang dapat unang dapat kasuhan, ipakulong at pagbayarin sa malalang pagkasira ng Kalikasan!
Ilang bundok na rin ang sinira at patuloy na sinisira dahil sa kuwestyonableng papeles bigay ng DENR? Ilang ilog at dagat na ang inangkin mismo ng mga dayuhan?
Kung hindi ka miyembro, no way para makapasok ka sa kanilang ginawa na bakod? Papanagutin ang DENR at LGU leaders agad! BALETODO/ED VERZOLA
