NABANGGIT natin noong nakalipas nating kolum na sangkatutak ang naging interesado sa pagkatao ni Sec. Bong Go, matapos lumabas sa mga post sa social media maging ito man ay twitter, facebook, instagram at iba pa, na sasali ito sa 2019 senatorial election.
Bagaman wala pang pinal na desisyon si Special Assistant to the President (SAP) Bong Go ay minabuti na rin nating himayin at kalkalin ang pagkatao ng pinagkakatiwalaang tao ng Pangulong Duterte.
Bukod kasi sa pagkakilala natin kay Bong Go bilang isang “pambansang photo bomber” at “selfie king” ay pilit nating nilaliman pa ang paghuhukay sa pinuno ng Presidential Management Staff (PMS).
Si Christopher Tesoro Go, o mas kilala nating Bong Go ay nagmula sa pamilyang may-ari ng isa sa pinaka-unang printing press sa Davao City na Tesoro Printing, nagtapos ng kursong Management sa La Salle at nagsilbi kay mayor at ngayo’y Pangulong Duterte ng halos 19 taon bilang kanyang executive assistant.
Mula noong 1998 na kung saan si Bong Go ay 24-anyos pa lamang ay naglingkod na siya bilang katuwang ng Pangulong Duterte sa lahat ng aspeto ng paglilingkod sa mga Davaueno.
Samakatuwid ay matagal nang alam ni Bong Go ang kalakaran sa pagpapalakad sa pamahalaan kaya’t hindi natin masasabi na bagito ito sa paglilingkod.
Aral si Bong Go sa Pangulo nating may tapang at malasakit sa mga mamamayan lalo’t higit sa mga inaapi at maralita, kaya’t siguradong nasa puso nito ang pagkalinga
Maganda ang naging samahan at training ni Bong Go kay Duterte kaya’t sa kabila nang mayroong Tesoro Printing ang mga Go ay minabuti niyang manilbihan bilang isang lingkod bayan, na kung tutuusin ay may maliit lamang na sweldo.
Usaping tawag ng paglilingkod ang umangat sa isang Bong Go dahil saksi ang buong Davao at buong bansa sa ngayon, kung paano ito magtrabaho na halos 3 oras na lamang ang tinutulog kada araw.
Libong tao na rin ang natulungan ni Bong Go, na nanatiling tahimik at low profile, magmula sa usapin ng pagbibigay ng trabaho, edukasyon at pagkalinga sa mga may sakit.
Puso ang puhunan ni Bong Go mula umpisa hanggang ngayon at iyan ang dapat tignan ng mga Pilipino dahil ang bansa ay uhaw na uhaw sa isang lider na ang tingin sa tao ay kapatid at kaibigan. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO
