DAIG pa ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre ang nabagsakan ng isang sakong semento matapos sabihin ni Pangulong Digong Duterte na ipapalit n’ya ang ulo ng kalihim sa dalawang drug lord na inabswelto ng National Prosecution Service.
Ito ang klarong-klaro sa naging aksyon ni Aguirre matapos sabihin ni Spokesman Harry Roque ang pahayag ng Pangulo na hindi ito masaya sa nangyari matapos i-abswelto ng mga prosecutors sina Kerwin Espinosa at Peter Lim.
Biglang kumilos ang kalihim at kagyat na sinabi nitong rerebyuhin niya ang naturang desisyon ng kanyang mga tauhan na kilala namang druglords sa bansa.
Pinasinungalingan din ng mga prosecutor na hindi alam ni Aguirre ang kanilang desisyon dahil SOP na umano sa naturang kagawaran na ipinadadala muna sa opisina ng kalihim ang mga desisyon sa mga high profile case katulad ng kina Lim at Espinosa.
Maging ang PNP-CIDG na siyang nagsampa ng kaso kina Kerwin at Lim ay nagising dahil base sa pahayag ng mga prosecutor ay mahina ang kasong isinampa ng mga ito, na naging dahilan para i-abswelto nila ang dalawang indibidwal.
Sa pahayag ng dalawang prosecutor ng DoJ na tauhan ni Aguirre, sinasabi nitong tsismis, paiba-iba o pabago-bago ang statement ng mga iniharap na testigo ng CIDG kaya nila ipinawalang saysay ang asunto.
Malinaw din kina Prosecutor Michael John Humarang at Aristotle Reyes, na hindi trabaho ng DoJ na maghagilap ng mga matitibay na ebidensya sa isang kaso kaya ibinabato nilang lahat ang sisi sa PNP-CIDG.
Wake-up call ang nangyaring ito sa DoJ at CIDG dahil hindi natutulog ang mamamayan sa ngayon lalo’t higit ang Pangulo, na nangakong lilinisin niya ang bansa sa ipinagbabawal na gamot. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO