MULING nagbabala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa publiko ng isa pang pamamamaraan ng panloloko para makapang-biktima ng mga Filipinong manggagawa na nagnanais magtrabaho sa London.
Sa ulat ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa London, sinabi ng DOLE na ang pekeng online email account, (philippineembassyunitedkingdom@gmail.com) na nagpapanggap bilang Embahada ng Pilipinas sa United Kingdom (UK), ay nagre-rekrut ng mga manggagawa mula sa ibang bansa para sa trabahong wala naman.
Nabunyag ang paraan ng panloloko matapos makarating ang ulat sa Philippine Trade and Investment Centre (PTIC) sa London tungkol sa nasabing pekeng email address na nagre-rekrut ng mga manggagawa at nagtatakda ng kinakailangang dokumento para sa UK B1 Working Visa.
Agad na tumugon ang PTIC sa email at ipinaliwanag na ang pekeng address ay hindi opisyal na email ng Embahada ng Pilipinas sa London at walang kaugnayan sa anumang ahensiya ng pamahalaan ng Pilipinas.
Humiling ng tulong si London Labor Attaché Reydeluz Conferido sa iba pang ahensiya ng pamahalaan upang matukoy ang pinagmulan ng email address, at agad na magsasampa ng kaso sa sinumang nasa likod ng panloloko upang protektahan ang mga manggagawang Filipino.
“Umaasa kami na magagamit ang lahat ng pamamaraan ng pamahalaan upang matukoy ang pinagmulan at mapatawan ng hustisya ang mga gumagawa ng iligal na aktibidad,” pahayag ni Conferido.
Pinaalalahanan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga Filipinong nagpaplanong magtrabaho sa ibang bansa na bisitahin ang www.poea.gov.ph, o tumawag sa hotline 722-11-44 / 722-11-55 o mag-email sa info@poea.gov.ph upang beripikahin ang lisensiya at permit ng recruitment agencies at kung lehitimo ang job order.
-ooOoo-
SSS, NAMIGAY NG RELIEF PACKAGES SA MGA BIKTIMA NG MAYON
Namigay ng relief packages ang Social Security System (SSS) sa 1,300 Bikolano na miyembro at pensyonado nito na naapektuhan ng pag-aalboroto ng Bulkang Mayon noong Marso 2 sa Ligao City National Technical – Vocational School.
Ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc na isa ring Bikolano, naglaan ng mahigit sa P600,000 ang pension fund upang makapamahagi ng relief packages sa mga miyembro, pensiyonado at kanilang mga pamilya mula sa anim na barangay ng Ligao City.
Nasa larawan sa itaas (mula kaliwa) sina PCEO Dooc, Ligao City Mayor Patricia Gonzalez-Alsua, at SSS Senior Vice President for Administration Group at Officer-In-Charge ng Public Affairs and Special Events Division May Catherine Ciriaco habang ipinamimigay ang mga relief packages na may bigas, mga delata, at sanitary kits sa mga lumikas.
Ipinakikita naman sa larawan sa itaas na kanang bahagi sina Baligang Brgy. Capt. Romel Bobis, Nasisi Brgy. Capt. Jurlan Buello, Ligao City Vice Mayor Sherwin Quising, PCEO Dooc, SVP Ciriaco at SSS Luzon Bicol Division Officer-in-Charge Elenita Samblero habang namimigay ng relief packages sa mga apektadong miyembro, bilang bahagi ng corporate social responsibility ng SSS. Nasa larawan sa ibabang bahagi naman ang mga opisyal at empleyado ng SSS mula sa Bicol at Maynila kasama ang mga evacuees mula sa mga barangay ng Nasisi, Binatagan, Tuburan, Nabonton, Basag at Dunao sa isinagawang relief operations. ANG INYONG LINGKOD/HILDA ONG