UPANG makatipid sa oras at gastusin, pinaalalahanan ng Social Security System (SSS) ang mga retiradong pensiyonado na 84-anyos pababa at naninirahan sa Pilipinas ay hindi na kailangan pang pumunta sa mga sangay ng SSS o bangkong kinukunan ng pensyon para sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) na kailangang gawin para tuloy-tuloy na matanggap ang kanilang buwanang pensiyon.
Ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc, ang mga retiradong pensiyonado na naninirahan sa Pilipinas ay patuloy na tatanggap ng kanilang buwanang pensiyon kahit na hindi mag-ACOP sa SSS o sa kanilang mga bangko.
“Ang pagtanggal ng ACOP bilang requirement para sa mga retiradong pensiyonado dito sa Pilipinas ay isang paraan para mas maayos at dekalidad ang serbisyo sa ating mga miyembro. Ang bagong panuntunan ay hindi lamang makatutulong sa mga pensiyonado na makatipid sa panahon at gastusin kundi mababawasan din ang bilang ng mga transaksiyon sa branch offices,” ani ni Dooc.
Ngunit nilinaw ni Dooc na para sa mga retiradong pensiyonado na naninirahan sa ibang bansa, gayundin ang mga total disability pensioners sa Pilipinas, survivor pensioners pati na ang kanilang mga dependent child kasama na kanilang legal guardian ay kinakailangan pa ring mag-ACOP.
Idagdag ni Dooc na pupuntahan ng mga kawani ng SSS ang mga retiree pensioners na 85 taong gulang pataas na naninirahan sa Pilipinas para sa ACOP compliance. Bibisitahin din ng mga taga-SSS ang mga survivor pensioner na hindi na kayang mag-report ng personal sa SSS branch dahil sa sakit o katandaan.
Magsasagawa rin ng Medical Fieldwork Service (MFS) o pupuntahan ng SSS doctors sa mismong bahay ang total disability pensioner para makasunod sa ACOP.
Ang ACOP ay isang programa na nag-aatas sa mga pensiyonado na taunang mag-report sa SSS upang masigurong tuloy-tuloy ang pagbibigay ng kanilang benepisyo. Ipinatupad ito noong 2012 upang maiwasan na ang tumatanggap ng buwanang benepisyo ay ang mga hindi dapat makinabang dito.
Magsasagawa ang SSS ng proseso ng beripikasyon upang masigurong buhay pa ang retiradong pensiyonado na naninirahan sa Pilipinas at kwalipikado pang tumanggap ng benepisyo mula sa pension fund. ANG INYONG LINGKOD/HILDA ONG

