NAPAKABILIS ng paglilitis ng bansang Kuwait sa kaso ni Joana Demafelis.
Sa unang araw pa lang ng paglilitis nitong Abril 1, 2018, naglabas agad ng desisyon ang korte sa Kuwait at bitay ang parusang iginawad.
Naaresto ang mag-asawang employer ni Demafelis noong Pebrero 22-23, 2018 sa Syria at agad na ipinadala ang lalaking si Nader Essam Assaf sa bansa niyang Lebanon habang nanatili ang misis niyang si Mona sa sariling bansa sa Syria.
Mabilis namang nagtakda ng paglilitis ang Kuwait at sa loob ng isang buwan, lumabas ang desisyon.
ILANG PROBLEMA
Nakapaglabas nga ang Kuwait court ng desisyon ngunit hindi ito basta maipatupad dahil hanggang sa isinusulat ito, nasa Lebanon pa si Nader samantalang nasa Syria pa rin si Mona.
Hindi malinaw sa atin kung papaano mapupwersa ng Kuwait ang Lebanon at Syria na isurender ang kanilang sariling mamamayan sa hurisdiksyon ng Kuwait?
Mayroon ba silang extradition treaty na pupwedeng gamitin para maibiyahe ang mag-asawa sa Kuwait?
Kung wala, problema nga ang pagpapatupad ng desisyon ng korte.
Sakali namang madala sa Lebanon ang mag-asawa, may karapatan ang mga ito na umapela at hindi na natin alam ang kahihinatnan ng kaso.
Lalo’t lumalabas na walang testigo at kung magkakaroon man ng mga ebidensya, ‘yan ang tinatawag na circumstancial evidence na kailangang mapagsama-sama para magkaroon ng matibay na paniniwala na ang mag-asawa nga ang may kagagawan sa krimen.
BLOOD MONEY
Maaari ring mag-alok ng blood money ang mag-asawa.
‘Yun bang === magbabayad na lang sila bilang kapalit ng kanilang krimen, sakaling mananatili ang desisyon ng korte na sila nga ang maysala sa pagkamatay ni Demafelis.
Sa ngayon, matibay ang paninindigan ng pamilya Demafelis na dapat igawad ang parusang nararapat, ang bitay.
Wala nga namang kapalit na halaga ng salapi ang buhay ng isang tao.
Sa Pilipinas, karaniwang kakambal ang pagbabayad ng danyos sa mga biktimang katulad ni Demafelis.
Kaya hindi kailangan ang blood money.
Pero ganito rin ba ang batas sa Kuwait?
KASO SA SYRIA AT LEBANON
Kung hindi masasaklaw ng batas ng Kuwait ang mag-asawang employer, maaari ring isampa ang kasong magkahiwalay sa mga bansang Lebanon at Syria.
Kung magaganap ito, gaano naman katiyak na pareho lang ng desisyon ng Kuwait ang magiging desisyon ng mga hukuman sa nasabing mga bansa?
Problema pa rin na malaki ito.
Dapat pag-aralan ito nang husto ng ating mga awtoridad upang makamit ng pamilya Demafelis ang katarungan.
Parehong may parusang bitay ang Lebanon at Syria pero wala ngang nakatitiyak kung mahahatulang guilty ang mag-asawa.
Sapagkat magdedepende lahat sa umiiral na batas at ebidensya ang kaso.
GAWA NG PINAS
Papaano kung ipakiusap ng mga bansang Lebanon at Syria ang blood money para lang malibre sa bitay ang mag-asawa?
Tatandaang nalalagay sa kalagayan ng mga sarili nating overseas Filipino worker na may katulad na kaso ang nasabing mga employer.
Pinagsusumikapan ng sarili nating gobyerno na iligtas sa bitay ang mga OFW na napatutunayang nakagawa ng krimen sa ibang bansa.
Sa puntong ito, dapat na tulungan ng ating pamahalaan ang pamilya
Demafelis na gumawa ng nararapat na desisyon.
PROTEKSYON NG MGA OFW
Anoman ang kahihinatnan ng kaso ni Demafelis, dapat patungo ang lahat sa mas magandang kalagayan ng ating mga OFW, saanmang bansa sila mapadpad.
Panahon na talagang magkaroon ng mga malinaw na kasunduan kung paano tratuhin nang tama at makatao ang ating mga OFW ng kanilang mga employer at pamahalaang dayuhan.
Sa kaso ng Gitnang Silangan, ang pagbubuwag ng Kafala system ang isang target ng ating pakikipagkasundo para sa mga OFW.
Sa sistemang ito, kinukumpiska ng mga employer ang mga pasaporte at iba pang mahahalagang dokumento ng mga OFW.
Ito’y para hindi basta makaalis sa poder ng mga employer ang mga OFW para umuwi, lumipat sa ibang bansa o ibang employer.
Dahil sa Kafala system, kung lalabas ang OFW sa bahay o compound ng employer nang nag-iisa at walang dokumento, sa kulungan namang ang bagsak nito.
Nararapat din ang makataong pasahod at kalagayan ng mga OFW.
‘Yun bang === hindi sahod-alipin ang ibibigay at hindi ring pang-alipin ang pagtrato sa mga ito.
Sa kabuuan, sana makamit ng mga Demafelis ang katarungan at magtagumpay ang pamahalaan na isulong ang makataong kalagayan ng ating mga OFW kahit saan.
oOo
Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring iparating sa 09228403333 o i-email sa bantiporda@yahoo.com. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

