NAGSIMULA nang magtrabaho ang Presidential Anti-Corruption Commission na pinamumunuan ni Dante Jimenez. Inuna na nila ang kaso ng tatlong Department of Justice prosecutors na nag-abswelto kina Peter Lim at Kevin Espinosa sa kasong iligal na droga.
Kasama rin sa imbestigasyon ang ilang opisyal at imbestigador ng Criminal Investigation and Detection Group dahil hindi nito isinama ang mga pahayag ni Espinosa sa Senado ukol sa kanyang illegal drug trade.
Bukod sa kasong ‘yan, isasama na ng PACC ang mahigit 800 kasong katiwalian na isinampa sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte, ayon kay PACC Commissioner Greco Belgica.
Baka naman kasama na ang mga kasong isinampa laban kay Bureau of Jail Management and Penology Director Deogracias Tapayan.
May isinampang mga kaso noon laban kay Tapayan bago pa siya itinalaga sa BJMP ni ex-Interior Officer-in-Charge Catalino Cuy ng “Concerned BJMP Personnel” na nakarating sa tanggapan ni Duterte.
Binalewala ni Cuy ang mga asunto kahit “seryoso” ang mga ito, kaya itinalaga niya si Tapayan bilang BJMP director.
Ano-ano ba ang mga reklamo kay Tapayan?
Una, hindi raw totoong dumaan siya sa training at schooling na rekisito sa lahat ng opisyal ng BJMP. Ang ipinasa nitong dokumento sa Officers Advance Course ay kuwestiyunable kung saang paaralan galing.
Mapatutunayan kung totoo o hindi ang akusasyon laban kay Tapayan sa Philippine Public Safety College na pinamumunuan ni Dr. Ricardo de Leon.
Kasama rin sa gustong malaman ng Concerned BJMP Personnel ang naging papel ni Tapayan sa iskam sa Prisoners Subsistence Allowance noong siya pa ang hepe ng BJMP – Region 7 at may kasong kriminal din daw sa isyu sa Metro Manila Rehabilitation Center (ngayon ay Metro Manila District Jail) ngunit naka-archive daw sa isang korte sa Metro Manila.
Ang problema sa mga kaso ni Tapayan ay ‘di tukoy kung “urgent” ang kategorya sa PACC o hindi. Gayunman, ang maganda ay kasama ito sa mahigit 800 kasong inako ng PACC mula sa tanggapan ni Duterte.
Alam kaya ito ni DILG Officer-in-Charge Eduardo Año? Dapat iparating ito nina Joel dela Torre (ng Peoples’ Journal na pangulo ng DILG Press Corps) at Jan Sinocruz (ng Remate na Chairman of the Board ng DILG Press Corps) kay Año upang komprontahin ukol sa mga kasong pinalampas ni Cuy. BADILLA NGAYON/ NELSON BADILLA
