SA isang panayam kamakailan ay nagpahayag si Labor Secretary Silvestre Bello III ng kumpiyansa na malalagdaan anomang araw ang inihandang memorandum of understanding sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait – kaugnay ng mas maayos na pagtrato sa mga overseas Filipino worker sa nasabing bansa.
Sinabi ni Bello na ang lagda na lamang ni Pangulong Digong ang inaantay at umaasa siya na malalagdaan ang dokumento bago sumapit ang buwan ng Mayo upang hindi na ito maabutan ng pagdiriwang ng Ramadan.
Itinuturing kasing banal ng mga Muslim ang panahon ng Ramadan kaya karamihan sa kanila ay nagpapahinga mula sa kanilang mga gawain at mas inilalaan nila ang kanilang oras sa pananalangin kay Allah.
Kaya naman kung si Bello lang ang masusunod ay dapat malagdaan na kaagad ang nasabing dokumento nang sa gayon ay muling makapagpadala ang mga manggagawa natin sa nasabing bansa.
Sa unang tingin, tila maganda naman ang hangarin ni Bello sa pagmamadali nitong malagdaan na ang kasunduan.
Subalit kung susuriing mabuti, tila may mga nasa likod niya kung bakit gusto niyang maselyuhan na kaagad ang kasunduan, at ito ang grupo ng mga recruiter na nagpapaalis ng mga household worker patungong Kuwait.
Bakit nga ba hindi? Milyon-milyong piso kasi ang nawawala sa kanila kada buwan dahil sa patuloy na deployment ban.
Wala kasi silang nasa isip kundi ang nawawala nilang kita at wala silang pakialam kung anuman ang magiging sitwasyon ng mga kababayan nating DH sa Kuwait at iba pang bansa sa Middle East.
Matatandaan na ang pangunahing dahilan kaya iniutos ni Pang. Digong ang deployment ban ay dahil sa hindi makataong pagtrato at pang-aabuso sa mga kababayan nating DH sa Kuwait.
Hindi na mabilang ang namatay sa kanila at isa na nga rito si Joana Demafelis na isang taon muna ang lumipas bago natagpuan ang bangkay sa loob ng isang freezer.
Kaya naman nananawagan tayo kay Pang. Digong na kung sakali at tanggalin man ang deployment ban ay iyong mga skilled worker na lang ang ipadala roon at tuluyan nang ipagbawal ang deployment ng DH sa Kuwait.
Marami pa namang ibang bansa kung saan sila puwedeng magtrabaho na hindi kailangang masira ang dignidad bilang tao at isang Filipino.
Sa totoo lang ang mga recruiter lang naman ang talagang nagmamakaawa para matanggal ang ban, dahil ayaw nilang mawala ang merkado ng Kuwait na milyon –milyon ang perang ipinapasok sa kanilang negosyo. OPEN LINE/ BOBBY RICOHERMOSO
