TULOY-TULOY ang pagkilos ng Counter Intelligence Task Force ng Philippine National Police na lumaban sa mga iskalawag sa pulisya.
Pinakahuling accomplishment ng grupong ito na pinamumunuan ni Senior Superintendent Jose Chiquito Malayo ang padakip sa dalawang kotong cop na nakatalaga sa Malibay Police Precinct, Pasay City.
Nahuli sa entrapment operation sina sina PO1 Michael Mindevil Domalanta at PO2 Jerry Adjani Jubail.
Kahaharapin nila Domalanta at Jubail ang administratibong kaso na posibleng tuluyan na nilang ikasisibak sa pwesto.
Maaari ring masampahan ang mga ito ng kasong extortion.
Ayon sa ulat, kinokontrol ng dalawang ito ang pagsasakay at pagbababa ng mga pasahero sa lugar kapalit ng mga takdang halaga ng salapi mula sa mga tsuper at operator ng mga bus, van, jeepney.
P30K + IBA PA
Hindi nakuntento sina Domalanta at Jubail sa pagdodoble ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanilang sahod.
Pareho ang mga iskalawag na ito na tumatanggap na ng nasa P30,000 sahod buwan-buwan.
Iba pa ang mga pabenepisyo sa kanila na edukasyon para sa kanilang mga anak, libreng ospital kung magkasakit o masugatan sila sa paggampan ng tungkulin, pabahay, 13th month pay at iba pa.
ABOGADO
Dahil sa kahaharapin nilang mga kasong administratibo at kriminal, isang katanungan para sa isang taxpayer na katulad ng ULTIMATUM ang ukol sa abogado ng mga ito.
Sa normal kasing kondisyon, may libreng abogado ang mga pulis sa mga kasong kinakaharap nila sa paggampan ng tungkulin.
Maaaring manggaling mismo ang abogado sa mga lokal na pamahalaan na kung saan sila nakatalaga o sa mismong PNP.
Pero sa mga kaso ng mga iskalawag, kinakailangan ba na gastusin ng pamahalaan ang buwis ng bayan para sa kanila?
Kung mangyari kasi ito, parang ginigisa ang mga taxpayer sa sarili nilang mantika.
10,000+
Ayon kina Supt. Malayo, nakatanggap na sila ng mahigit 10,000 sumbong o complaint laban sa mga pulis.
Hindi naman masasabing lahat ng mga complaint ay tama.
Kaya nga nagsasagawa ang CITF ng masusing pag-aaral bago sila kumilos laban sa mga kabaro nila.
At isa na ngang paraan sa pagsugpo sa mga pulis patola-iskalawag ang entrapment o buy bust sa mga iligal na droga.
IBA’T IBANG KRIMEN
Paliwanag ni Supt. Malayo, may 358 commissioned officers at 1,177 non commissioned officers ang napangalanan sa mga sumbong.
Ang mga commissioned officer, mga Bro, ay magmula sa Inspector o Tinyente pataas habang ang mga non-commissioned officer ay Senior Police Officer 4 hanggang Police Officer 1.
Kapag pinagsama mo ang mga iskalawag na ito, anak ng tokwa, nakatatakot.
Mahigit 1,500 lahat ‘yan.
Sa 190,000 pulis, maliit lang ang bilang ng mga ito kung tutuusin.
Pero kung iisipin mong may mga armalite at pistola ang mga ito, may mga tsapa, may mga uniporme, gumagamit ng patrol car at protektado ang mga ito ng kanilang mga mistah at gobyerno, nakatatakot ang mga ito.
Sino ang makapipigil sa mga ito sa kanilang mga pinaggagagawa?
MGA KRIMEN NILA
Heto ang krimen ng mga iskalawag na ito.
Protektor daw sila ng mga sari-saring kailigalan.
Bahala na kayong mag-isip kung ano ang ibig sabihin nito.
May 263 na sangkot sa extortion; 238 na drug users or pushers; 161 sa illegal gambling; 75 sa hulidap; 19 sa pananakit o physical injuries; 13 sa illegal logging; 9 sa hindi maipaliwanag na yaman; 6 sa kidnappint; 4 sa gun running; at 387 sa katulad o halo-halong krimen.
Sinong ordinaryong mamamayan ang makapapalag sa mga iskalawag na ito na pawang mga ligal na armado, may uniporme, may tsapa, may patrol car at may sariling istasyon ng pulis?
DISIPLINARIAN
Sakto ang pagkakatalaga kay Heneral Oscar Albayalde bilang PNP Director General.
Isa itong disiplinarian na ang hangarin ay linisin nang todo ang pulisya.
Sana magtagumpay si Albayalde sa kautusan sa kanya ni Pang. Digong na linisin ang pulisya para manumbalik ang tiwala ng taumbayan sa pamahalaan.
