ANG Kuwait ay isang bansa na may malawak at magkakaibang lipunan.
Sa 4.2 milyong tao, ang 70 porsyento o 2.9M ay mga dayuhang mangagawa.
Kabilang dito ang 260,000 Filipino bilang household help o skilled workers tulad ng mga nurse, doktor, guro, mekaniko, chef at hotel at restaurant manager.
Malinaw na anomang lahi, lugar ito ng malaking oportunidad – magandang buhay na hindi kayang ibigay ng kanilang bansa.
Sa maniwala kayo o hindi, kinilala ng United Nations ang makataong pamumuno ng emir ng Kuwait, si Sheikh Sabah Al-Ahmad Al-Jaber Al-Sabah, at ang Kuwait bilang International Humanitarian Center.
Kung gayon ay bakit sangkaterba ang mga ulat ng mga manggagawa na inaabuso at nilalabag ang karapatang pantao?
Batid ng lahat na ang naturang mga report, kabilang na ang pamamaslang kay Joanna Demafelis, ang nag-udyok sa Pilipinas na mag-isyu ng deployment ban.
Batid din natin na ang pag-rescue ng staff ng embahada ng Pilipinas sa isang manggagawa, na ang video ay nag-viral sa web at inakala ng Kuwait na paglabag sa kanilang pamumuno at nagresulta sa pagpapatalsik ng Philippine ambassador, ang pagpiit sa ilang staff ng embahada, at pagbawi sa envoy ng Kuwait.
Hindi binabalewala ng Kuwait ang pang-aalipin sa modernong panahon.
Kung babasahin natin ang mga balita at blog, at pakikinggan ang pananaw ng mga manggagawa mula sa iba’t ibang trabaho, darating tayo sa konklusyon na ang skilled workers ay tinatrato nang maayos.
Ang mga insidente ng pang-aabuso ay mataas lamang sa lebel ng Household Service Workers o domestic workers.
Ano ang nangyayari sa ilang kababayan sa Kuwait?
Maraming employer ang umaabuso sa kontrata na nilagdaan nila sa kasambahay.
Minamatrato sila sa pamamaraang pisikal o pananalita, pwersahang binabawasan ang sweldo, at hindi sila binabayaran sa tamang oras.
Kinukumpiska ng iba ang passport ng obrero at binabawalan siyang magkaroon ng cellphone na mag-uugnay sa kanya sa mga mahal sa buhay sa sariling bansa.
Anomang kontrata na nilagdaan sa pagitan ng employer at domestic helper ay dapat kilalanin.
Sino man ang lumabag sa kasunduang ito ay dapat managot.
Gayunman, ang pakiramdam ng maraming manggagawa ay wala silang magawa dahil kapag nagreklamo sila laban sa employer ay tatanggalin sila sa trabaho o sasampahan sila ng gawa-gawang kaso.
Dapat hinaharap ng mga awtoridad ng Kuwait ang mga isyung ito sa pagtiyak sa mga employer na tatratuhin ang mga HSW nang makatao at may respeto na parang bahagi sila ng kanilang pamilya at hindi mga alipin.
Ang mga nang-aabuso ay dapat panagutin at hindi kunsintihin. Dapat tiyakin nila na ang mga HSW ay pinapayagang hawakan ang sarili nilang cell phones at passports o payagan ang embahada na hawakan ang huli.
Payagan ang mga HSW na magbukas ng bank accounts kung saan puwedeng ideposito ng employer ang kanilang suweldo. Sa ganitong paraan ay mamo-monitor ng gobyerno kung ginagampanan ba o hindi ng mga employer ang kanilang obligasyon.
Dapat ay magkaroon din ng standard na makapagsasabi kung ang kabahayan ay may kakayahan na kumuha ng HSW, batay marahil sa laki ng bahay, kung may sariling silid para sa manggagawa na may kama, telebisyon, etcetera.
Hindi maitatanggi ng mga Kuwaiti na ang mga Pilipino ay mahalagang bahagi ng kanilang lipunan. Ang mga Pilipino ay kabilang sa 2.9 milyon expats na tumutulong para paunlarin ang ekonomiya ng emirate at pati na ng Pilipinas. Ang dalawang gobyerno ay dapat makakita ng win-win solution sa problemang ito batay sa pangmatagalan nilang pagkakaibigan.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.
