ELEKSYON na sa Lunes, a trese ng Mayo at tiyak na marami pa ang mamamatay sa gutom, sa pera, sa barilan at sa kagahamanan.
Handang pumatay ang mga kandidato manatili lang sa puwesto. Malaking raket kasi ang eleksyon, bilyong piso na kita ang naghihintay sa mga mananalo.
Siyempre, sino naman ang aamin na pera ang hangad nila sa eleksyon? Lahat ng mga kandidato ay gustong ihango ang mga dukha sa kahirapan.
Karamihan sa mga kandidato, magmula sa konsehal hanggang sa senador, ay kanilang mga kamag-anak upang maglingkod daw sa mga mahihirap.
Sa hanay ng coalition ng Liberal Party at Nacionalista Party, ang mga magkakamag-anak ay sina Alan Peter Cayetano, Francis Escudero, Juan Edgardo Angara, Paulo Benigno Aquino IV, Cynthia Villar at Aquilino Pimentel III.
Ang mga kamag-anak na kandidato naman sa United Nationalist Alliance (UNA) ay si Jack Enrile, JV Ejercito Estrada, Juan Miguel Zubiri, Tingting Cojuangco, Richard Gordon, Mitos Magsaysay at Nancy Binay.
Sa mga local government, ang mga kandidato ay anak, asawa o anak ni mayor o kaya ni congressman. Sa Parañaque, ang kandidato para mayor o para congressman ay anak ni Bernabe. Ang kalaban naman niya ay dating mayor din, isang Olivares, mga congressman din o kaya ay mga konsehal ng nasabing angkan.
Maaaring malinis ang hangarin nilang maglingkod sa bayan, pero ilan na ba sa kanila ang may kaso sa Ombudsman sa bintang na pandarambong, graft and corruption at murder?
Mahalagang manalo ang Pinoy Team sa eleksiyong ito dahil sa 2016 ay tapos na ang term ni PNoy. Kailangang malagay sa puwesto ang kanyang mga bata at nang manatili ang kanyang mga kaibigan, kabarilan at kamag-anak. Mahalaga rin ito kina Erap at Jojo Binay, lalo na sa kanilang asawa at mga anak o kapatid at mga anak na ayaw nang umalis sa gobyerno.
