NAIPANALO ng political operative na si James Carville sa 1992 US presidential election ang noon ay Arkansas Governor na si Bill Clinton laban sa nakaupong Pangulo na si George H.W. Bush sa mensahe ng “Change versus more of the same.”
Sa loob ng kanilang “war room,” katuwang ni Carville (ang chief strategist ng Clinton campaign) si George Stephanopoulos (na tumayo namang communications director) sa paglikha ng mensahe at pagbuo ng mga estratehiya at taktika sa kampanya. Kabilang sa mga punto at isyu ni Clinton ang “It’s the economy, stupid” at “Don’t forget health care.”
Hindi naman inimbento lang nina Carville at Stephanopoulos ang mensahe ni Clinton kundi ibinase ito ng dalawang political maverick sa totoong sitwasyon ng US (bulagsak na ekonomiya, bangkaroteng moral, at kakulangan ng social welfare) noong panahong iyon.
Hindi rin naman makatatayo ang isang mensahe kung wala itong pinagbabasehan.
Kahit 89% ang approval ratings ni Bush bunga ng tagumpay ng US and coalition forces sa Persian Gulf War, si Clinton ang itinanghal na bagong US President sa naturang eleksiyon.
Nakakuha si Clinton ng 320 electoral votes habang 168 electoral votes lang ang nakuha ni Bush.
Bukod sa positibong mensahe at mahahalagang punto ni Clinton, ang kanyang eleksiyon ay hindi tungkol sa kanya bilang kandidato kundi tungkol ito sa mamamayang gusto niyang paglingkuran.
***
NGAYONG midterm elections, si Team PNoy senatorial candidate Edgardo “Sonny” Angara ang isang kandidato na nakabase ang mensahe sa pagsolusyon sa mga problema at mga temang positibo (tulad ng kanyang paghanga sa talento at galing ng Pinoy).
Sa campaign sorties at sectoral meetings, nasaksihan ko mismo ang paghahain ni Angara ng mga katugunan sa ilang batayang problema ng ating bansa – ang edukasyon, trabaho, at kapakanang panlipunan ng mamamayan.
Sa kanyang three terms sa Lower House, marami siyang batas na nagawa para sa edukasyon, trabaho, at kapakanang panlipunan ng mamamayan. Ilan dito ang Expanded Senior Citizens Act, Universal Kindergarten Act, pagtaas ng sahod ng teachers, at exemption sa buwis
ng mga manggagawa.
Kung si UNA senatorial bet Jackie Enrile ay busy sa pagtanggi sa diumano’y pagpatay niya sa ilang tao maraming taon na ang nakalilipas, si Angara ay inihahanda na ang mga batas na makamamamayan tulad ng Bill of Rights for New College Graduates at pagkakaloob ng scholarship sa bawat mahirap na pamilyang Filipino sa ilalim ng 4Ps ng gobyerno.
Nito lang mga nakalipas na araw,inihayag ni Angara sa publiko na sakaling piliin siya ng mamamayan bilang senador ay ilalaan niya ang P100 milyon ng kanyang pork barrel para sa pagpapatayo ng bagong classrooms.
